Maynila, tumanggap ng 2 magkasunod na awards para sa LCPC Ideal Functionality Assesment para sa 2022, 2023
Advertisers
TUMANGGAP ang pamahalaang lungsod ng Maynila ng dalawang magkasunod na karangalan para sa Local Council for the Protection of Children (LCPC) Ideal Functionality Assessment para sa taong 2022 at 2023.
Dahil dito, ay pinasalamatan ni Mayor Honey Lacuna ang lahat ng mga concerned local government units na naging dahilan upang matamo ang nasabing karangalan. Ayon sa alkalde, ang karangalan ay isang maliwanag na indikasyon o patunay nang matibay na pundasyon ng kooperasyon at dedikadong tugon sa pangangalaga ng populasyon ng mga bata sa Maynila.
Samantala ay inanunsyo ni Lacuna na sa November 18, ang kabisera ng bansa ay magsasagawa ng Children’s Congress na dadaluhan ng mga kinatawan ng iba’t-ibang youth groups mula sa iba’t-ibang barangay sa Maynila, kasama ang partner nito na non-government organizations.
SI Universidad de Manila President Felma Carlos-Tria ang magsisilbing host ng nasabing event kung saan ang Childrens’ Advocacy Fair and Forum on Childrens’ Rights ay isasagawa rin.
“Patuloy tayo sa pagsisikap na pangalagaan, paka-ingatan at pahalagahan ang lahat ng mga Batang Manilenyo. Magtulungan tayong dinggin ang kanilang mga munting tinig at alalayan silang abutin ang kanilang mga munting pangarap. Sila ang ating pag-asa. Ialay natin sa kanila ang isang maganda, malinis, masigla, maunlad at ligtas na lungsod. Sa Maringal na Maynila, bawat bata kinakalinga,” pagdedeklara ng lady mayor.
Nabatid na sa ilalim ng Lacuna administration, ay may 25,000 bata mula sa iba’t-ibang day care centers ang binibigyan ng limang kilong bigas bawat isa kada buwan. Ito ay bukod pa sa daily supply ng nutribun, nutripacks at iba’t-ibang uri ng pagkain na nagtataglay ng mongo, egg, tuna at noodles, at iba pa.
Maliban pa dito, may kabuuang 19,839 estudyante mula Kinder hanggang Grade 6 sa mga public schools sa Maynila ay tumatanggap ng tulong sa pamamagitan ng school-based feeding program kung saan sila ay binibigyan ng food packs at gatas.
Ang special programs life free operation para sa mga batang may cleft at lip palate ay ginagawa sa Sta. Ana Hospital sa pamumuno ni Director, Dr. Grace Padilla, pati na rin ang Dengue Awareness Campaign sa Ospital ng Sampaloc, free anti-rabies injection sa Lanuza Health Center ang Regular Diabetes Screening at ‘Libreng Gamutan para sa mga Batang may TB’ sa mga city’s health centers. (ANDI GARCIA)