Advertisers

Advertisers

TUMBOK, HINDI TAMBAK

0 37

Advertisers

TATAMBAKAN ng sangkaterbang multa ang sinuman lalabag sa paggamit ng tinatawag na ‘EDSA Bus Lane’ simula Nobyembre 13.

Inihayag ito ng pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) bilang tugon sa tumataas na bilang ng mga motorista na lumalabag sa paggamit sa linya ng naturang kalsada.

Mula P1,000 ay tatambak hanggang P30,000 ang multa na ipapataw ng MMDA sa mga lalabag na madalas [daw] ay mga mayayaman o yaong mga naka-aangat sa buhay dahilan kaya itinaas ang multa.



Pero kahit tambakan pa ng multa na lampas langit ay tiyak na mayroon pa rin lalabag diyan hanggang hindi natutumbok ang problema sa kahabaan ng EDSA – ang sobrang sikip ng daloy ng trapiko.

Tumbukin dapat ang problema! Kung maalwan ang daloy ng trapiko sa naturang kalsada ay walang mga magkukunwaring tanga makadaan lamang sa maluwag na daanan ng bus upang makaiwas sa sobrang sikip ng trapik.



Si MMDA na ang naghayag na karamihan sa mga lumalabag ay mga mayaman o mga angat sa buhay na ang ibig sabihin lamang ay may dunong o pinag-aralan ang mga ito pero nagtanga-tangahan dahil sa sobrang sikip ng trapik.

Naalala ko noong panahon ng pandemya kung saan maluwag ang mga kalsada kabilang na ang EDSA. Noong panahon din na iyon nagsimula ang ekslusibong daanan na iyan ng mga bus pero walang lumalabag.



Walang lumalabag noong mga panahon na iyon dahil maalwan at maluwag ang daloy ng trapiko sa EDSA pero nang bumalik na sa normal ang buhay ng taumbayan ay muling sumikip ang mga kalsada.

Kasama sa ginawang katwiran ng MMDA sa bagong polisiya nito sa multa na iyan (bukod sa mayaman o angat sa buhay ang lumalabag) ay ang walang tigil na pagtaas ng bilang ng mga pasaway sa ‘EDSA Bus Lane’.

Tumbukin na natin, taumbayan. Tumataas ang bilang ng paglabag kasi walang tigil ang pagsikip ng daloy ng trapiko sa EDSA kaya ito ang dapat bigyan ng solusyon ng MMDA hindi ang pagtambak ng multa. Kasalanan ng gobyerno kaya masikip ang daloy ng trapiko pero taumbayan ang pagmumultahin. Anak ti kalding na ‘yan…

***

Para sa komento o suhestiyon: eksperto1971@gmail.com