Advertisers

Advertisers

DPWH, binigyan ni Mayor Honey nang hanggang Nov. 30 na tapusin ang parte nito sa Lagusnilad underpass

0 34

Advertisers

BINIGYAN ni Manila Mayor Honey Lacuna ang Department of Public Works and Highways (DPWH) nang hanggang November 30, 2023 na tapusin ang bahagi nito sa Lagusnilad underpass para mabuksan na ito sa mga motorista.

Dismayado ang alkalde sa mahabang pagkaka-delay, lalo’t matagal ng natapos ng pamahalaang lungsod ang bahagi ng rehabilitation nito.

Nabatid na nakiusap ang DPWH sa alkalde na gusto ng buksan ang underpass sa November 15, dahil sa hirap na dinaranas ng mga motorista dahil sa delay sa bahagi ng DPWH.



Sinabi ni City Engineer Armand Andres na, nang magumpisa ang pagkukumpuni noong May, ang target date ng reopening ay mula apat hanggang limang buwan lamang.

Ipinaliwanag nito na sa kabila na ginawa na ng lungsod ang pagre- repair ng kalsada para sa approach and exit mula sa Lagusnilad, ang DPWH naman ang siyang nakatoka sa pagkukumpuni ng ‘chamber’ na nagsisilbing catch basin ng floodwaters na bobombahin pataas at palayo sa underpass.



“Ang problema, hindi sila sumabay sa amin nung inumpisahan na naming gawin ‘yung share ng city,” pahayag nito, at idinagdag pa nito na madalas silang nagpa- follow up sa DPWH sa pamamagitan ng face-to-face meetings o iba pang paraan ng verbal communication.

Ang nasabing underpass ay sumailalim sa rehabilitation kung saan P50 million ang ginugol ng local government para sa upgrading, concreting at drainage repair.



Ang Lagusnilad ay sa ilalim ng national government pero nagkusa na ang city government na isagawa ang pagkukumpuni nito dahil lahat ng reklamo at sisi sa masaklap ng kalagayan ng underpass ay pinupukol sa lungsod.

Sinabi ni Andres na may 235 linear meters na may average width ng 6.3 linear meters ng Lagusnilad ang sumailalim sa rehabilitation.

Ayon kay Lacuna ang underpass ay ginawa noong dekada 60 sa panahon ng nasirang Mayor Antonio Villegas at sa tagal ng panahon, ito ay overused na at nagtamo na ng maraming pinsala at laging binabaha tuwing tag-ulan.

Sinabi ng alkalde na noong 2014 ay naglagay ng pump dito para sipsipin ang lahat ng tubig na nagmumula sa ilalim ng lupa at kailangan na ng city government na i-upgrade ito.

Ang pondo para sa nasabing proyekto ay kinuha sa capital outlay of road networks para sa fiscal year 2023.

“Sa totoo lamang, ang Lagusnilad ay nasa ilalim ng national government. Hindi po namin ito pupuwede na basta-basta galawin nang hindi po lubusang nagpapaalam sa kanila (national government). Pero sa kadahilanang ito po ay sakop ng inyong lungsod, kami na po ang gumawa ng paraan dahil sa totoo lang, kami ang laging nilalapitan at nirereklamo para once and for all maayos na natin ang makasaysayang Lagusnilad,” pahayag ng alkalde. (ANDI GARCIA)