Advertisers
SA mga politiko sa Pilipinas, bukod tangi ang tikas ni dating Senador Antonio Trillanes.
Bukod tangi rin siyang walang isyu ng korapsyon sa dalawang termino niyang pagiging senador.
At siya lang ang politiko na nakapagpakulong ng dalawang dating presidente (Gloria Arroyo at Rodrigo Duterte) ng bansa, at nagpatahimik sa naging AFP Chief at Cabinet Secretary ng Arroyo administration na si late Angelo Reyes.
Nagbaril si Reyes sa puntod ng kanyang ina matapos banatan ni Trillanes sa isang Senate inquiry hinggil sa katiwalian.
Bago naging politiko, si Trillanes ay batang opisyal (Captain) ng Philippine Navy, na natanggal sa serbisyo matapos mag-aklas laban sa administrasyon ni Arroyo dahil sa aniya’y grabeng katiwalian sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Habang nakakulong, kumandidatong senador si Trillanes at nanalo nang hindi nakapangampanya at walang ginastos.
Nang manalong presidente si late President Noynoy Aquino, binigyan niya ng absolute pardon si Trillanes. Nawala lahat ng kanyang kasalanan sa bayan.
Nang matapos ang termino ni Noynoy at umupo si Rody “Digong” Duterte, sinubukan ng huli na ibalik sa kulungan si Trillanes dahil sa pagiging kritiko nito.
Sinubukan ni Duterte sa pamamagitan ni noo’y Solicitor General Jose Calida na pawalang-bisa ang executive clemency na iginawad ni Aquino kay Trillanes. Pero pinigilan ito ng Korte Suprema.
Sinubukan ni Duerte na gawan ng mga kasalanan si Trillanes tulad ng pagtahi ng pekeng foreign bank accounts. Pero pinatunayan ni Trillanes na kagagohan lahat ng akusasyon laban sa kanya.
Si Trillanes ang tanging kritiko ng Duterte administration na hindi kinaya ni Digong, sa halip si Digong ang napakulong ni Trillanes pero hindi sa Pilipinas kundi sa International Criminal Court (ICC). Lupet!
Ngayon, sunud-sunod ang mga expose ni Trillanes, kahit wala siya sa kapangyarihan, laban sa mga Duterte.
Nitong nakaraang Huwebes lamang ay isiniwalat ni Trillanes sa kanyang press conference ang mga kaugnayan ng pamilya Duterte sa umano’y Chinese drug lord na si Sammy Uy.
Detalyado ang mga pagbubunyag ni Trillanes kung paano at kung magkano ang natanggap ni Digong at kanyang mga anak at kabit mula kay Sammy Uy.
Ibinunyag rin niya ang isang negosyo ng mag-asawang Vice President Sara at Mans Carpio na tumatanggap ng malaking salapi mula sa Chinese government, na ayon kay Trillanes ay delikado sa national security ng bansa.
Ang mga isiniwalat na ito ni Trillanes ay kinumpirma mismo ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Sa tindi ng mga banat ni Trillanes sa mga Duterte, nakapagtataka na hindi manlang siya makasuhan ng mga Duterte ng kahit Cyberlibel o Forgery. Siguro dahil nga tunay ang mga resibo ni Trillanes sa kanyang mga ibinunyag hinggil sa mga tagong yaman ng pamilya Duterte.
Sa korte kasi ay mabubunyag ang katotohanan ‘pag gumulong ang imbestigasyon. Alam na!