Advertisers
NASAWI ang dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo nang salpukin ng kasalubong na tourist bus sa Barangay Langtad, City of Naga, Cebu nitong Linggo ng madaling araw.
Galing sa Barangay Langtad patungong Naga City proper ang tourist bus na minamaneho ni Richard Varga, 49 anyos, ng Consolacion; habang ang motorsiklo ay galing Cebu City na patungo ng Oslob City.
Ayon kay Lt. William Homoc, hepe ng City of Naga Police Station, nangyari ang aksidente 4:20 ng umaga nang biglang lumipat sa linyang tinatahak ng tourist bus ng Paladin Transport Services ang motorsiklo.
Tinangkang umiwas ng bus na kumabig sa kaliwang lane subali’t doon sila nagkasalpukan nang bumalik sa linya ang motorsiklo.
Sa lakas ng impact, nagtamo ng mga grabeng pinsala ang dalawang sakay ng motorsiklo na sina Klyde Morchie Rosada, 18; at Joshua Canceran, parehong taga Bairan, Naga at parehong idineklarang dead on the spot.
Matapos sumalpok sa motorsiklo, bumangga pa ang bus sa pader sa gilid ng highway na ikinasugat ng walong Taiwanese nationals na kinabibilangan ng dalawang bata. Isinugod ang mga ito sa ospital.
Lumalabas sa imbestigasyon na nakakainom ang dalawang nasawi nang mangyari ang insidente.
Pansamantala namang kinustodiya ng Naga Police ang driver ng bus habang patuloy pa ang imbestigasyon.