Advertisers
PAGMUMULTAHIN ang mga hindi susunod sa bagong inilabas na panuntunan ng Inter-Agency Task Force on Covid 19 (IATF Maguindanao) na mandatory na pagsusuot ng face mask at face shield lalo na sa pampublikong lugar.
Magbabayad ng P500 na multa ang sinumang lalabag sa kautusan ng IATF.
Ayon kay Maguindanao Governor Bai Mariam Sangki Mangudadatu, ito ay para sa kaligtasan ng lahat dahil sa patuloy na pagtaas ng mga nagpositibo sa Coronavirus Disease (COVID-19) sa probinsya.
Nilinaw ng gobernadora na mapupunta ang makukuhang pera sa mga maaktuhang lalabag sa panuntunan ng IATF sa enforcing authorities kabilang na ang PNP/AFP, LGU at Brgy.
Ang guidelines ay inilabas noong Nobyembre 1 kasabay pagpapalawig ng MGCQ sa Maguindanao at magtuloy-tuloy hanggang sa katapusan ng Disyembre 2020.
Ang direktiba ay matagal ng ibinababa sa Maguindanao ngunit ngayong buwan lamang magpapataw ng singil (charges) sa mga hindi susunod o lalabag sa kautusan.
Patuloy rin na pag-implementa ng No Movement on Sunday sa probinsya pero pahihintulutang pumunta sa misa ang mga mananampalatayang Kristiyano kasabay ng kaakibat na pagsunod sa minimum health standard at limitadong bilang sa mga lalahok sa pagsamba.