Advertisers
PINAPAHINTULUTAN na ng pamahalaan ang pagbubukas ng mga massage parlors sa mga lugar nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ).
Alinsunod sa Memorandum Circular No. 20-57 ng Department of Trade and Industry, pinapayagan na ang pagbubukas ng mga massage parlor sa GCQ areas, pero dapat 30 porsiyento lang ng total capacity ang pinapayagan sa loob.
Kaakibat nito, niluwagan sa 50 porsiyento ang pinapayagang capacity sa mga massage parlor sa mga lugar na naka-modified GCQ – ang pinakamaluwag sa 4 na quarantine standards na inilatag ng gobyerno para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).
Dapat ding sumunod sa minimum health standards ang mga massage parlor.
Kailangan ding naka-gloves, at bawal pa ang pagpapamasahe sa ulo para mapigilan ang pagkalat ng virus.
Dapat ding regular ang disinfection, at agaran din dapat ang pagtatapon sa mga disposable materials.
Bukod dito, niluwagan din ang kapasidad sa mga gym, salon, internet at computer shop at non-essential services.
Sa ngayon, nakapailalim sa GCQ ang Metro Manila, Batangas, Iloilo City, Tacloban, Iligan City at Lanao Del Sur habang ang nalalabing bahagi ng bansa ay nasa modified GCQ. (Josephine Patricio)