Advertisers
UMAPELA si Senador Sonny Angara sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na resolbahin ang mga isyu ng pagkaantala sa pamamahagi ng social pension para sa mga mahihirap na senior citizen sa bansa.
Bilang isa sa mga may akda ng Republic Act 11916 o batas para doblehin ang pensyon para sa mga mahihirap na senior citizens sa P12,000 mula sa dating P6,000 kada taon, sinabi ni Angara na napakahalaga ng cash aid sa mga matatanda na wala namang inaasahan para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Halos P50 bilyon ang inilaan sa ilalim ng panukalang 2024 budget ng DSWD para sa P1,000 buwanang pensyon ng mahigit apat na milyong mahihirap ng senior citizen sa Pilipinas.
Matatandaang bago isinabatas ang RA 11916, ang mga indigent senior citizen ay tumatanggap lamang ng P500 kada buwan para makatulong sa kanilang dagdag gastusin kabilang ang pagkain at gamot.
“Nakakabahala ang binanggit ng DSWD na mayroong 466,000 na backlog sa pagbibigay ng social pension para sa ating mga lolo at lola na walang kahit anuman na suportang nakukuha mula sa kanilang mga kamag-anak. Sila ay walang regular na pension na natatanggap at karamihan din sa kanila ay walang naipon na pera,” wika ni Angara, chairman ng Senate finance committee.
Sa interpelasyon sa panukalang pondo ng DSWD, umabot na sa P5 bilyon ang backlog sa pamamahagi ng social pension.
Sa nakalipas na tatlong taon, nasa P25 bilyon ang average na pondo para sa social pension ng mga senior citizen.
Pinangangasiwaan ng DSWD, ang Social Pension for Indigent Seniors Program kung saan magbebenepisyo ang apat na milyong matatanda na walang regular na kita o suporta mula sa kanilang pamilya at hindi nakatatanggap ng anumang uri pensyon.
Bukod sa RA 11916, may-akda rin si Angara ng RA 9994 o ang Expanded Senior Citizen’s Act na nagbibigay ng karagdagang benepisyo at pribilehiyo sa mga nakatatanda bukod pa sa ibinibigay na sa ilalim ng orihinal na Senior Citizen’s Act (RA 7432).
Nabatid na ang orihinal na batas ay inakda ng ama ni Angara, ang yumaong Senate President Edgardo Angara, na nagbigay daan para sa pagbibigay ng 20 porsiyentong diskwento sa mga produkto at serbisyo sa mga nakatatanda.
Makalipas ang mahigit isang dekada, pinagtibay ang RA 9994, na nagbibigay sa mga nakatatanda ng exemption mula sa value added tax sa pagbebenta ng ilang mga produkto at serbisyo, bukod pa sa 20 porsiyentong diskwento.
Kaugnay nito, pinaalalahanan din ng Senador ang lahat ng kinauukulang merchant na igalang ang legal na ipinag-uutos na mga diskwento at pribilehiyo para sa mga nakatatanda kasunod ng mga ulat na mayroon pa ring ilang mga establisyimento na hindi nagbibigay ng mga mga diskwento at pribelehiyo para sa isang kadahilanan o iba pa. (Mylene Alfonso)