Advertisers
Nalambat ng Caloocan PNP ang isang lalaki na naitala bilang No. 8 Most Wanted sa lalawigan ng Leyte sa Caloocan City.
Kinilala ni P/Col. Alex Daniel, hepe ng District Intelligence Division (DID) ng Northern Police District (NPD) ang naaresto na si alyas “Jericho”, 23.
Sa report kay NPD Director P/BGen. Rizalito Gapas, nakipag-ugnayan sa kanila si P/Capt. Lino Lopez, hepe ng Police Station ng Munisipalidad ng Mac Arthur, Leyte, nang makatanggap ng impormasyon ang binuong Tracker Team ng Police Regional Office (PRO) 8 sa Eastern Visayas na nagtatago sa Caloocan City si Jericho na mahigit isang taon na nilang pinaghahanap.
Sa pinaigting na kampanya ng PNP kontra wanted persons, nagsagawa ng joint manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusdo 12:15 ng hapon sa 2nd Ave. Barangay 38, Caloocan City.
Inaresto ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Dexter Lazarte Aguilar ng Eight Judicial Region, Branch 10, Abuyog, Leyte noong July 27, 2022, sa kasong Anti Rape Law (RA 8353).
Pansamantalang nakadetine ang akusado sa DIDMD NPD Custodial Facility sa Langaray St. Dagat-Dagatan, Brgy. 14 Caloocan City habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order ng korte.(Beth Samson)