Advertisers
Nasagip ang 23-anyos na Chinese national nang makatakas sa mga kababayan na dumukot at nagpahirap sa kanya sa Clark, Pampanga.
Sa report ng Rizal Police Provincial Office (Rizal PPO), tumawag sa kanila ang consular assistant mula sa Chinese embassy at ipinaalam ang pagdukot sa biktimang nakilalang “Teng,” residente ng Sichuan, China, na nagtatago sa Brgy. Plaza Aldea, Tanay, Rizal nang dukutin ng kapwa Tsino.
Agad namang nagtungo sa lugar ang mga miyembro ng Tanay PNP at Tanay Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) at nailigtas si Teng.
Sinabi ni Teng, na dumating siya sa bansa noong Agosto 15 para magbakasyon at nakipagkita sa iba pang mga Chinese.
Pero nagulat na lamang siya nang dukutin ng mga kababayan at dinala sa Clark, Pampanga kung saan siya pinahirapan, pinagmamalupitan, at pinilit na magtrabaho.
Noong Nobyembre 30, dinala ang biktima sa Parañaque City para mag-withdraw ng pera kung saan siya nagkaroon ng pagkakataon na makatakas.
Patuloy pa rin ang isinasagawang follow-up investigation ng pulisya para matunton ang lokasyon ng mga suspek.