Advertisers

Advertisers

PAHIWATIG

0 396

Advertisers

ANG pananalanta ng bagyong Rolly ang ginawang sangkalan ng mga ambisyosong nais ipagpatuloy ang sinimulang pagkalugmok ng bayan nating mahal. Hindi pa nagsisimula ang mga awit na pamasko pero heto na si Inday Sapak at ang alalay nitong Sandok mula sa Ilocos Norte, sinisimulan na ang pamumulitika na dala ang kanilang ambisyon.

Ang maayos lang na makikita sa kanilang pagdating ay ang mga welcome streamers na bagong gawa at ang lahat pati na ang kabuhayan ng Bicolandia’y talagang gula-gulanit. Mainit ang salubong ng mga puno ng lalawigan sa mga bisita basta’t matiyak na ‘di gagalawin ang bilyon bilyong pork barrel na nasubi sa panahon ng dating ispiker.

Maganda at malaki ang welcome streamer at tiyak na nasiyahan si Inday Sapak sa init ng pagtanggap at kagyat na dumating si Totoy Kulambo dahil sa nasiyahan si Inday Sapak sa estimang nilatag ng mga puno ng lalawigan. Mahalaga ang lakad na ito sa mag-ama dahil balwarte ito ng kanyang magiging katungali sa halalang pampanguluhan, si Bise-Presidente Leni Robredo.



Ang layon ba ng pagbisita’y pagtatasa ba ng mga nasira ng bagyong Rolly at upang malatagan ng kaukulang plano at pondo na kailangan? O’ baka naman nais lang makakurot ng kahit kaunti para sa ’22.

Hindi maalis ang ganitong kaisipan ni Mang Juan dahil sa postura ni Inday Sapak na parang ayaw ng ilipat ang timon ng liderato ng bansa sa ibang pulitiko na maaaring umusig sa mga nagawang kamalian sa bayan.

Sa kilos ng maton ng Davao, maliwanag ang pahiwatig na nais nitong humalili sa poder na hawak ni Totoy Kulambo. Mukhang nasiyahan at nangangamba ito kung mawala na ito sa poder.

Dahil kahit hindi tuwirang hawak nito ang timon, pinakikinggan ito ng mga kinatawan sa tongreso dahil ito ang pinakamalapit sa tenga ng puno ng Balite ng Malacanan. Na kahit tulog at nakabaluktot pag-ito ang yumugyog tumatayo si Totoy Kulambo.

Walang magawa ang sino man pagninais ni Inday Sapak nakatakda itong maganap. Isang halimbawa na lang ang nangyari sa mga ispiker na kasin lakas ng bagyong Rolly, ayun itinapon sa kangkungan kahit ubod ng sip-sip ang mga ito kay Totoy Kulambo. Iba si Inday, gusto ninyong masapak!



Sa pagdalaw na naganap sa Bicolandia, malinaw ang pahiwatig nito, na dapat kayong maging malapit sa akin para dumating ang biyaya na kailangan ninyo. Mainam para sa mga Bicolano at sa mamamayan na ang mga kilos nito’y isang pahiwatig na huwag kayong maiba pa at si Inday Sapak ay darating na.

Sa kabilang banda, ang Sandok ng Ilocos Norte na kasama nito ang siyang maghahalo ng nilulutong rebisyon sa pagtanaw ng kaganapan at maging ng kasaysayan upang umayon sa kanilang layon.

Alam na natin ang tandem na ito simula pa lamang ng nagdaang halalan. Parang dinikit na kulangot sa dingding ang samahan nito na talaga namang mandidiri kapag sa iyo’y nadikit.

Sa totoo lang, ninanais ng Batingaw na sa ganitong kaagang panahon ay masabayan ang kilos politika ng mga nagnanais magsilbi sa bayan. Ang maipamulat kay Juan Pasan Krus na silipin at pulsuhang mabuti ang mga kilos ng mga politiko sa kanilang mga lugar.

Makikita ninyo na sa darating na mga buwan may pandemya o wala dadalas ang mga pagbisita ng mga politikong nagnanais na muling makuha ang inyong pag oo upang muling maluklok sa pwesto na nagbibigay sa kanila ng kasaganahan sa buhay at ‘di bale na kayo.

Hindi masama na tanungin ninyo ang mga sarili ninyo sa mga nagawa ng mga ito sa inyo, ‘di man tuwiran ito ba’y naging kapaki-pakinabang sa bayan. Hindi lang basta mga waiting shed na umpukan at silungan kapag-umuulan, kundi tanungin sa sarili kung umunlad ba ang aming mga kabuhayan.

At kung madalaw man ito sa inyo, at makamayan kayo’y huwag naman gawing batayan ito sa inyong pagboto sa kandidato. Alam kong mahirap sa inyo na malaman kung ang layunin ng politiko’y serbisyo o negosyo. Subalit sa kilos nito makikita na ang tunay na pakay at kung pawang palabas lamang.

Ang galaw nito sa tunay o’ bilang politiko’y parang sapot na talagang manipis. Ngunit ang nakaraan nito ang gawing basehan para sa kinabukasan. Kaya’t mahalagang balikan ang nakaraan at ng hindi malinlang sa kilos ng nagbabait-baitang politico nang sa ganoon ay hindi tayo matalo sa hinaharap.

Ang boto sa halalan ay tulad ng buhay na talagang dapat pag-isipan.

Malinaw na pahiwatig, na parang binatang nanliligaw ang kilos ni Inday Sapak sa pagdayo nito sa balwarte ng Bise-Presidente kung saan ito mismo ang karibal sa nililiyag na dalaga. Huwag ibigay ang matamis na oo lalo’t nakita na ang istilo ng ama.

Huwag na natin ituloy ang pasakit sa bayan na sinimulan ng ama. Huwag mabulag sa galaw nito… Huwag kagatin ang mga pahiwatig nito.

Patuloy nating ipagdasal ang ating bansa na malagpasan ang pagsubok na ito, gayun din ang ating mga obrerong pangkalusugan. Salamat.

***

dantz_zamora@yahoo.com