Advertisers
ARESTADO ang dalawang carnapper ng mga tauhan ng Philippine National Police – Highway Patrol Group at nabawi sa mga ito ang dalawang sasakyang ninakaw sa operasyon sa Santo Tomas City, Batangas, Biyernes ng madaling araw.
Kinilala ni Colonel Rommel Estolano, hepe ng PNP Regional Highway Patrol Unit -4A, ang mga naaresto na sina Roberto Baliguat at Leonardo Dayo.
Isinagawa ng magkakasanib na puwersa ng Regional Highway Patrol Unit 4A, Provincial Highway Patrol Team ng Batangas, at Sto Tomas Police ang operasyon sa Mercedes Homes Subdivision, Brgy San Isidro Norte, Sto Tomas City, nang magsampa ng reklamo ang isang babae at isang lalaki na tinutukan ng baril ng mga suspek nang mapadako ang dalawa sa harapan ng naturang bahay na itinuturing na hide-out ng grupo.
Agad nagbuo ng team ang mga awtoridad at sumugod sa lugar 3:40 ng madaling araw.
Nabawi sa mga suspek ang 2 nakaw na sasakyan na Nissan Urvan (VAA 3574) at Toyota Hi-Ace (NDX 3642).
Nakuha rin ng mga awtoridad ang 28 iba pang plaka ng sasakyan at 10 pekeng certificate of registration (CR).
Nasamsam din ng raiding team ang isang kalibre .45 at 9mm pistol mula sa dalawa.
Nahaharap ang mga suspek sa mga kasong grave threat, at carnapping.