Advertisers
NAPAKATALAMAK na ng mga iligal na sugal, droga at iba pang sindikato ang lalawigan ng Laguna.
Ayon sa mga ulat, ang lalawigang ito na bahagi ng CALABARZON ay may malalang suliranin sa pangkatahimikan at kaayusan.
Kinukonsidera ang Laguna, na ang gobernador ay si Ramil Hernandez, ang “vice at crime capital” ng rehiyon.
Sinasabing kung ang Pampanga ay may gambling lord na Pineda, ang Laguna naman ay may alyas “Tose” na hari ngayon ng lahat ng iligal sa lalawigan.
Si Tose, ayon sa source, ang takbuhan ng mga politiko tuwing panahon ng eleksiyon. Kaya open daw ang illegal business niya sa mga lungsod at bayan ng Laguna.
Ayon sa source, si Tose na ngayon ang bagong “bagman” ng tanggapan ng Philippine National Police (PNP) Provincial Office na pinamumunuan ni Colonel Harold Depositar.
Kasapakat ni Tose sa pangongolekta sa mga iligalista sa Laguna ang isang alyas “Jowel Kwento”, na nagpakilala namang sugo ng tanggapan ng Laguna PNPO upang pangasiwaan ang pagpapatakbo ng lahat ng iligal sa lalawigan.
Si Tose, ang kinikilalang pinakamaimpluwensyang gambling lord sa Laguna. Sangkot rin daw ito sa kalakalan ng iligal na droga. Ang Laguna ay isa sa mga probinsiya na talamak ang bentahan ng mga bawal na gamot partikular shabu.
Maliban sa nagpapatakbo ng STL con-jueteng ay enkargado rin si Tose ng 25 iba pang vices financier na nag-o-operate sa lahat ng siyudad at bayan sa Laguna.
Dinoble raw ngayon ni Tose ang “tong koleksyon” sa mga kapwa nito iligalistang sina Areza ng Sta Cruz; Edward ng Bay; Tita ng Cabuyao at Calamba City; Osel ng Calauang; Amante ng San Pablo City; Timmy ng Aluminus, Narcarlan, Liliw at San Pablo City; Orlan ng San Pablo City; Jayson ng Siniloan, Sta Cruz, Pagsanjan at Sta Maria; Pinky ng Mahayhay at San Pablo City; ex-police Eborra ng Sta Rosa at Binan; Nico ng Binan City, Manguiat ng Calamba City; Kon Robert ng Calauang; Mayang-Binan City; Vener at Bong ng Rizal; Baretto ng Binan City, Sta Rosa City at Cabuyao City; Angke at iba pa.
Pinalobo rin ni Tose ang “lingguhang intelihensiya” ng mga sakla operator na sina Bong, ang maintainer sa Sta. Rosa, Cabuyao, Binan at Calamba, mga bayan ng Victoria, Los Banos, Rizal; at iba pang sakla operators na sina Oruga; Jayson; Joan; Robert; Lady Rose; Castillo; Ronnie ; Junjun; Leviste; Katimban;, Jenny at Bong. Pati mga maintainer ng “puesto pijo” sa Target Mall, Sta Rosa City, Binan City at Cabuyao City ay dinoble rin.
Maging ang mga operator ng “paihian” ng petroleum products sa likod ng Yakult Philippines, dating warehouse ng San Miguel Corporation sa Brgy. Makiling, Brgy. Turbina at Brgy. Paciano at Silangan Exit sa Calamba City at Brgy. Banlic, Cabuyao City ay naging doble din ang lingguhang suhol sa Laguna PPO.
Ito ang dahilan kung bakit namamayagpag ang sindikato ng mga iligal sa lalawigan ni Gob. Hernandez, bagay na inirereklamo na ng mga mamamayan ng Laguna.
Panawagan ng mga concerned citizen, paimbestigahan ni DILG Secretary Benhur Abalos sina Gov. Hernadez at Col. Depositar kung paano nag-exist ang mga iligal sa Laguna sa kabila ng utos ni Pangulong Bongbong Marcos na hulihin ang lahat ng operators ng mga iligal na sugal partikular online sabong sa bansa.