Advertisers
ISINAMA ang dating presidente at chief executive officer ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na si Alfredo “Fred” Lim sa demandang inihain laban sa mga opisyal ng pambansang ahensiya ng pasugal, bilang may malaking partisipasyon sa P75 milyong halaga ng anomalya hinggil sa operasyon ng e-sabong ng nakaraang taon.
Sa inihaing reklamo sa Office of the Ombudsman ni Joaquin P. Sy, treasurer at chief finance officer ng Kamura Highlands Gaming and Holdings Inc., isinasaad na si Lim ang Pagcor president at CEO mula 2016 hanggang 2022.
Nauna nang inireklamo ni Sy ng ‘graft at malversation of public funds’ sina dating Pagcor Chairman Andrea Domingo, at dating Board Members nito; isang Jewel Castro at mga magulang niyang sina Rizalina at Simplicio. Isinama rin sa reklamo sina kasalukuyang Pagcor Chairman Alejandro Tengco at Dianne Erica Jogno, ang kanyang Chief of Staff at dating head ng Pagcor E-Sabong Division.
Ang karagdagang complaint ay nagsasaad din ng dagdag na impormasyon sa kaso dahil napag-alaman na si Lim ang siyang may ‘kumpas’ sa bawat transaksiyon ng Pagcor noong mga panahong iyon. Nai-appoint si Lim sa nasabing posisyon dahil kaibigan ito ni dating Pangulo Rodrigo Duterte, samantalang napirmis naman si Domingo nang dahil sa impluwensiya ni dating Pangulo Gloria Arroyo, ngunit ‘symbolic’ na lamang daw ito dahil si Lim ang talagang nagpapatakbo ng Pagcor.
Ang kaso ay nag-ugat sa “iligal” na pag-iisyu ng Pagcor ng isang Land Bank Check na nagkakahalaga ng P75,000,000 na ipinangalan kay Jewel Castro, na nagpanggap na naglagak ng cash performance bond ng Kamura Gaming and Holdings Corp. para makapag-operate ng E-Sabong na ipinatigil ni Duterte bago ito bumaba sa pwesto.
Ang iligal na pag-iisyu ng naturang tseke para sa pagbabalik ng cash performance bond kay Castro ay may basbas nila Lim, Domingo at ng mga lumang miyembro ng Board ng Pagcor noong September 2022. Ito ay ayon narin kay Lolita Gonzales, Assistant Vice President ng Pagcor para sa Finance Department Special Funds.
Ang bagong Pagcor Chair at COO Alejandro Tengco ay nag-utos narin ng malawakang imbestigasyon at nangakong may mananagot sa nasabing anomalya.
Patuloy naman ang manhunt ng pulisya sa respondent na si Jewel Castro, dahil nag-ooperate parin ito ng ‘clandestine e-sabong’ sa mga probinsiya gamit ang technology na bigay ng kanyang mga kasabwat sa Pagcor.
Nakatakas si Castro at dalawa pa niyang kasama nang salakayin ng mga tauhan ni PNP-CIDG Director Major General Romeo Caramat ang pinagdadausan nila ng iligal e-sabong sa Loac, Pangasinan dalawang buwan na ang nakararaan.
Nadakip sa nasabing operasyon ang mga magulang ni Castro na sina Rizalina at Simplicio na nakalalaya sa ngayon dahil sa piyansa.
Ang dalawang kasapakat ni Castro ay kapwa pakay din ng warrant of arrest na inisyu ng Quezon City RTC Br-77 hinggil naman sa isang multi-million investment scam na pinaniniwalaang may kaugnayan din si Jewel Castro.