Advertisers

Advertisers

Rep. Tulfo at Cong. Fernandez mangunguna sa imbestigasyon vs NBI agents

0 35

Advertisers

MAGSASAGAWA ng motu proprio investigation sa pangunguna ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo at Sta. Rosa, Laguna Rep. Dan Fernandez laban sa National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa umanoy ilegal na pag-aresto sa 36-taong gulang na empleyado ng J&T Express delivery nitong Disyembre 1.

“Gusto nating wakasan ‘yung kultura natin na kapag ikaw ay otoridad o law enforcer at opisyal ng pamahalaan ay hindi na pwedeng kalabanin ng pangkaraniwang mamamayan kahit pa ang mga opisyal ang may kasalanan,” ani Tulfo.

Personal na inimbita ni Tulfo sa kanyang programa sa radyo na Punto Asintado Reload, ang mga operatiba ng NBI-Intellectual Property Rights Division (IPRD) na sangkot sa pag-aresto kay Michael Bryan Gonzaga, sorter ng J&T Express.



Dumalo rin sa pulong nitong Miyerkules sa kanyang opisina sa House of Representatives sina Cong. Fernandez, Chair ng House Committee on Public Order and Safety, ang biktima at ang pito pang mga ahente ng NBI na umaresto kay Gonzaga, na kinilalang sina Special Investigator (SI) IV Marvin Bernard Villardo; SI IV Adjutor Larosa; SI III George Gabinete, SI III Valiant Raganit; SI III Rosauro Dantis; Senior Agent (SRA) Ma. Aiza Arcega Quiambao; at SRA Baden Francis Alonzo. Sila ay sinamahan ni NBI Assistant Director Vicente De Guzman.

Ang kaso ay nagsimula matapos makatanggap ng reklamo si Tulfo ukol sa nasabing ilegal na pagaresto kay Gonzaga. Nabatid na nakaalitan ni Gonzaga dahil sa parking spot si Marvin Joseph Villardo, ang anak ng NBI Special Investigator IV Marvin Bernard Villardo noong Disyembre 1 sa Bgy. Apolonio Samson, Quezon City. Nang makita ni Villardo ang kanyang anak, agad itong rumesponde at nagbantang aarestuhin si Gonzaga.

“Naglabas siya ng baril at tinutukan niya ako,” ang sabi ni Gonzaga kay Rep. Tulfo.
Tumugon naman ang mga operatiba ng barangay at agad dinala ang dalawang nag-aaway na grupo sa kanilang opisina. Si Villardo naman tumawag ng responde sa kanyang mga kasamahan mula sa NBI-IPRD at umano’y pilit na kinuha si Gonzaga sa barangay. Kinasuhan si Gonzaga ng direct assault at grave threat.

“Away barangay lang, pero pinuwersa nilang kunin ang pobreng biktima sa barangay na wala man lang coordination sa barangay at yung biktima pa ang kinasuhan,” dagdag ni Tulfo at sinabi na nakulong si Gonzaga ng dalawang linggo sa NBI.

“Sa simula pa lang, marami tayong nakikita na medyo iregular at hindi dapat ginawa ng mga operatiba ng NBI na dapat sana ay sila ang magpapatupad ng batas,” ani Fernandez.



Iginiit din ng dalawang mambabatas na hindi ang NBI-IPRD ang tamang unit ang dapat na umaresto kay Gonzaga.

“Ang duty ng IPRD ay mag-raid at manghuli ng mga pekeng produkto, bakit sila ang rumesponde at umaresto dun sa nakaalitan ng kabaro nila?,” tanong ni Tulfo. Dagdag pa ni Tulfo at Fernandez, dapat hinayaan ng NBI ang mga opisyal ng barangay ang magresolba ng kaso.

Ayon naman kay Asst. Dir. De Guzman, pansamantalang sinibak sa pwesto ang mga operatibang NBI na sangkot sa nasabing operasyon habang iniimbestigahan ang kaso.

Ayon kay Tulfo, maaaring harapin ng mga ahente ng NBI ang mga kasong administratibo na grave misconduct, oppression o grave abuse of authority at conduct prejudicial to the best interest of service.

Ayon sa dalawang mambabatas posibleng isagawa ang inquiry in aid of legislation sa susunod na mga linggo. (Cesar Barquilla)