Advertisers
Patay ang isang ama at anak nitong dalaga habang nasa kritikal na kondisyon ang kaibigan ng huli nang pasukin at pagsasaksakin ang mga ito ng salarin na may lihim na pagnanasa sa dalaga, sa Toledo city, Cebu nitong Martes.
Kinilala ang mga nasawi na sina Zorovavel Tapao Edoloverio alyas “Bobby,” 48-anyos, tricycle driver; at anak nitong si Zyphaniah Malaay Edoloverio alyas “Honey,” 18-anyos, kapwa residente ng Sitio Suba, Barangay Talavera, Toledo.
Inoobserbahan naman sa ospital si Gerley Vertucio Navarro, 18-anyos, college student at residente sa Foster Magsaysay Hills, Poblacion, Toledo City.
Nadakip naman ang salarin na kinilalang si Kevin Purisima Avelis, 31-anyos at kapitbahay ng mag-amang Edoloverio.
Sa report ng Toledo City Police Station, 4:00 ng madaling araw nitong Martes naganap ang krimen sa loob ng bahay ng mag-amang nasawi.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, natutulog ang mga biktima sa loob ng bahay nang pumasok ang salarin na armado ng kutsilyo at pinuntirya ang silid ng magkaibigang sina Zyphaniah at Navarro.
Dito, walang babalang sinugod ng saksak ng salarin ang mga biktima sa iba’t-ibang parte ng katawan, sa kabila ng mga sugat na tinamo nagawang sumigaw ng mga biktima ng tulong dahilan para magising ang ama ni Zyphaniah na natutulog sa kabilang silid.
Nagawa pang kumuha ng baril ni Zorovavel at binaril ang salarin subali’t hindi ito tinamaan kaya siya naman ang pinuntirya ng saksak sa iba’t-ibang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan ganun din ang anak nito na nagtamo ng maraming saksak sa katawan.
Mabilis namang tumakas ang salarin habang nakahingi naman ng tulong si Navarro sa mga kapitbahay at agad itong dinala sa Toledo City General Hospital at nasa maselang kalagayan.
Agad namang nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya at nadakip ang salarin.
Ayon sa pulisya, personal na galit ang isa sa motibo sa krimen nang ireklamo ni Zorovavel ang salarin ng trespass to dwelling nang malaman nitong may lihim itong pagnanasa sa kanyang anak.
Inihahanda na ang mga kasong double murder at frustrated murder laban kay Avelis.