Advertisers

Advertisers

Bong Go: Maging ligtas ngayong Christmas

0 5

Advertisers

NAGPAALALA si Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate Committee on Health and Demography, sa publiko na alalahanin ang kalusugan at kaligtasan sa panahon ng Kapaskuhan.

Sa isang pagdinig ng Senado, inusisa ni Go ang kahandaan ng Department of Health (DOH) ngayong Pasko, partikular sa konteksto ng pag-iwas sa nakikitang pagtaas ng kaso ng COVID-19, trangkaso, at iba pang sakit, gayundin sa kaligtasan ng publiko tulad ng mga insidenteng may kinalaman sa paputok.

Binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng pag-iwas sa paputok sa pagsasabing kadalasan ay nasa huli ang pagsisisi sa mga pinsalang dulot nito.



Sinabi ni Go na makatitipid ang gobyerno kung mababawasan ang mga pinsala sa paputok na kadalasang humahantong sa ospital.

“Parati pong nasa huli ang pagsisisi na nawala na yung daliri ninyo. ‘Yung pondo po ng gobyerno na masi-save po, na hindi magagamit sa hospital sa naputol na kamay,” ani Go.

Anang senador, maaari namang magselebra ng Pasko at Bagong Taon na walang paputok para maiwasang masaktan o masugatan.

Ayon naman kay DOH Secretary Teodoro Herbosa, may bisa pa rin ‘no firecrackers’ policy na pinasimulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Binigyang-diin niya ang tagumpay nito sa Davao City at ang replikasyon nito sa iba’t ibang lokal na pamahalaan.



Binanggit din ni Herbosa ang pagtaas din ng mga aksidente sa motorsiklo dahil sa pag-inom ng alak na hindi nawawala sa kasayahan.

“Ang kapalit lang po, ‘pag hindi nagpaputok, umiinom sila at pagkatapos nagmomotorsiklo. So, nagkakaroon sila ng motorcycle crash. So, nauuwi din sila sa ospital. So, moderation din ang advice,” ani Herbosa.

Dahil dito, idiniin ni Sen. Go ang kahalagahan ng responsableng pag-uugali sa panahon ng pagdiriwang.

“Drive safely at tandaan po natin na kung mahal n’yo po ang inyong pamilya, mahal n’yo po ang inyong mga anak na umaasa po sa inyo. Masarap po mabuhay. Ingat lang po tayo,” dagdag ni Go.

Ang patuloy na pagbabantay at pag-uulat ng DOH sa datos na may kinalaman sa paputok ay salik sa bisa ng kampanya ng pamahalaan na “Ligtas Christmas”.