Advertisers
HINIKAYAT ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga Pilipino na isapuso ang tunay na kahulugan ng Pasko at maging isang instrumento ng pag-asa at liwanag para sa mga nangangailangan ngayong Kapaskuhan.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni PBBM na ang Pasko ay isang espesyal na pagkakataon para sa mga Pinoy upang gunitain ang pagsilang ng Dakilang Manunubos sa pamamagitan ng Simbang Gabi, pagbibigay ng regalo, at mga handaan kasama ang mga kaibigan, kamag-anak, at mga mahal sa buhay.
Ngunit higit pa sa selebrasyon, sinabi ng Pangulo na ipinaaalala ng okasyon na ang tunay na kahulugan ng Pasko ay matatagpuan sa pagkilala ng panahon bilang isang pagkakataon na mag-abot ng tulong sa mga nangangailangan, karamdaman, at kahirapan.
Ayon kay Pangulong Marcos, higit sa mga regalo ay mahalaga rin na magbahagi ng pag-asa sa mga pinaka-nangangailangan ngayong Kapaskuhan at buksan ang mga puso sa kabutihan, kabaitan, at pagkaawa habang nagpapalaganap ng kasiyahan sa tahanan at komunidad.
Paliwanag pa ng Presidente, sa pamamagitan nito, hindi lamang natin dala ang kapayapaan, pag-ibig, at pagkakaisa, kundi magsisilbi ring buhay na instrumento ng walang-hanggang kasabihan na ang gawain ng Diyos dito sa lupa ay tunay nating isinasabuhay. (Gilbert Perdez)