Advertisers
SUMUKO na nitong Linggo sa pulisya ang driver ng kotse na sangkot sa madugong shootout sa Cavite City, na ikinamatay ng isang miyembro ng Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG) nung Sabado, Nobyembre 6.
Ang driver ay nakilalang si Reymund De Leon- Zuñiga. Nai-turn over na ito kay Lieutenant Colonel Franco Allex Reglos, hepe ng Cavite City PNP, Linggo ng gabi.
Itinurn-over na rin ang sasakyan sa pulisya para sa imbestigasyon at proper disposition.
Ayon sa report at sa kuha ng video, iniinspeksyon ng mga police officers ang isang sasakyan na walang plate number at conduction sticker bilang bahagi ng kanilang anti-carnapping operations nang maganap ang shootout.
Sinabi ng driver at pasahero na mga miyembro sila ng Philippine Navy, pero tumanggi silang magprisinta ng anumang identification card nang hilingin ng mga pulis.
Bumaba ng sasakyan si Menosael Serbian at pinaputukan ang mga pulis gamit ang isang Bushmaster automatic rifle.
Napatay si Police Master Sergeant Julius Arcalas sa insidente habang nasugatan ang street sweeper na si Eduardo Magbana na tinamaan ng ligaw na bala.
Napatay rin si Serbian sa shootout.
Si Serbuan ay napag-alamang asawa ng isang Navy officer.
(Irine Gascon)