Advertisers
POSIBLENG sa pagtatapos pa ng 2021 o sa unang bahagi ng 2022 makakatanggap ang Pilipinas ng bultuhang supply ng bakuna laban sa COVID-19, ayon kay vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr.
“Realistically tinatawag natin na worst case scenario, yung end of 2021 or early 2022 ang pinaka-main bulk ng vaccine,” ani Galvez sa DOH media forum.
Ayon sa opisyal, anim na buwan ang gugugulin sa pagbuo ng plano at paghahanda ng vaccine implementation, kaya naman daw ang aasahan pa lang ng bakuna pagdating ng Mayo o Hulyo 2021 ay ang mula sa bilateral arrangements ng Pilipinas, tulad ng sa COVAX facility.
Ibig sabihin, hindi pa buong populasyon ng bansa ang mababakunahan.
Sa ilalim ng vaccination roadmap ni Galvez, na aprubado ng Inter-Agency Task Force, pitong stages ang pagdadaanan ng mga bakunang papasok ng Pilipinas.
Mula sa evaluation at selection na siyang pinaka-critical na hakbang, hanggang sa procurement o pagbili, produksyon at storage, distribusyon at monitoring sa mga binakunahan. (Josephine Patricio)