Advertisers

Advertisers

3 killers ng dentistang bgy. kagawad sa Mindoro timbog

0 8

Advertisers

HAWAK na ng pulisya ang 3 suspek sa pagnanakaw at pagpatay sa kilalang dentista na barangay kagawad sa Barangay San Antonio, Central, Calapan City, Oriental Mindoro.

Dalawa sa mga suspek ay mga menor de edad na nasa 16 anyos pa lamang habang ang ikatlong suspek ay 21 anyos.

Ayon kay Colonel Samuel Delorino, provincial director ng Oriental Mindoro Police Office, ang unang suspek na 16 anyos na taga-Barangay Guinobatan ay isinuko ng kaniyang kapatid sa isang prosecutor.



Sabi ni Delorino, narekober sa nasabing suspek ang 25 piraso ng mga alahas na pagmamay-ari ng biktimang si Dr. Agustin “Doc Ting” Bolor.

“Itong kapatid, nagtataka bakit balisa, at may nakita na sa bag at tinanong at inamin. Itong kapatid mayroong silang kapitbahay na staff ni fiscal Joya. Ngayon, nagpasama, nagpatulong para mai-surrender” sabi ni Col. Delorino.

Nagsilbing look-out lamang umano ang naturang suspek.

“Pinaiwan siya sa baba. Tapos, noong may narinig siyang komosyon, nagtago siya kasi nga ang alam nya may baril si Doc Ting. Ngayon, pagbaba, nakita niya na duguan ang isa, tapos inabot sa kaniya ang bag,” dagdag ni Col. Delorino.

Itinuro naman ng naturang sumukong suspek ang kaniyang kasamahan na taga-Barangay San Antonio kungsaan nakuha ang cellphone ni Doc. Ting.
Itinuro naman ng dalawa ang ikatlong suspek na 21 anyos na naaresto sa Barangay Balite.



Ginagalugad ngayon ng mga otoridad ang isang ilog sa Barangay Ilaya kungsaan itinapon ng mga suspek ang cctv motherboard na kasama nilang tinanganay sa bahay ng biktima.
Isang cellphone rin na pagmamay-ari ng biktima ang narekober sa ilog.
Isasailalim sa drug test ang mga suspek.

Ang dalawa namang menor de edad na suspek ay ibibigay sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development.

Linggo ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa kaniyang kwarto na nagtamo ng higit 50 saksak.

Tinatayang nasa 5-milyong pisong halaga ng mga alahas ang natangay ng mga suspek.