Advertisers

Advertisers

Pekeng abogado nakadale ng higit P.5m, inaresto ng kliyente

0 6

Advertisers

ARESTADO ang isang lalaki na nagpanggap na abogado sa Pasay City, matapos makapagbayad na ng mahigit P500,000 ang kanyang biktima.

Kinilala ang pekeng abogado na si Robert P. Garcia.

Ang pakilala niya sa biktima, siya si Atty. Robert SP Garcia.



Sa Lawyers’ List ng Korte Suprema, walang Robert SP Garcia o Robert P. Garcia sa listahan ng hanggang January 20, 2024.

Ayon sa biktima na tumanggi magpakilala, may nag-refer sa kanya kay Garcia noong naghahanap siya ng abogado para sa isang kaso.

“Mayroon po kasi kaming idinemanda dito sa area po namin sa Binangonan. Nag-ask ako sa mga kakilala ko. Mayroon akong kakilala na ni-refer naman ‘to”, aniya.

“Ang dami niyang hinihinging binayaran. Umabot po kami ng P541,000, bayad daw po sa fiscal. ‘Yung appearance fee din niya po, P60,000”, dagdag ng biktima.

“Tapos nu’ng December po, nag-request po siya ng pangalawang appearance fee niya. P120,000 naman po ‘yun which is binayaran nalang po namin ng kalahati,” kuwento niya.



Si Garcia daw ang humarap sa mga preliminary investigation sa kasong isinampa. Apat na beses itong humarap sa piskal.

Nagduda na ang biktima nang humingi si Garcia ng Christmas gift.

“Christmas gift po na worth P60,000. Tapos umalma po ako. Bumaba ‘yun ng 30 [thousand], hanggang sa naging 20 [thousand], pero hindi po ako nagbigay. Tapos pina-check ko na po siya sa ibang abogado.

Nagpa-second opinion na po kami,” sabi ng biktima.

Dito niya nalaman na peke pala ang maraming dokumentong ipinakita ni Garcia, pati na ang mga pinanotaryo nito at mga ID.

“Hindi kasi namin alam na ganoon ‘yung proseso ng pag-filing ng case kaya sige lang po nang sige,” dagdag ng biktima.

Ang pagbibigay ng kalahati ng second acceptance fee ang naging daan para ma-corner ang pekeng abogado.

Mismong ang biktima, sa tulong ng mga pulis, ang umaresto kay Garcia sa isang coffee shop sa Pasay City.

Umamin naman si Garcia na hindi siya nakapasa sa Bar examination.

“Oo, nag-aral po ako ng Law pero hindi po ako nakapasa sa Bar,” aniya.

Nagpakilala raw siya sa biktima bilang consultant at hindi abogado.

Pero hindi lang daw siya ang nakinabang sa nangyari.

“‘Yung nag-refer sa akin, meron din po ‘yung ano, binigyan din po doon,” ani Garcia.

“Magaling lang daw ito magsalita e. Magaling magsuot. Akala mo talaga, lawyer. Kaya ‘yon, napaniwala ito ngayon ng complainant natin. Kinasuhan natin siya ng swindling, estafa,” ani Police Captain Dennis Desalisa, hepe ng Pasay City Police Investigation Section.