Advertisers
“UMAMIN na po si Secretary Remulla tutuluyan po talaga nila ang mag-amang Duterte sa ICC.
Kinumpirma niya na dahil po sa mga resolusyon na ipinasa ng Kamara, ngayon daw ay makikipagtulungan na sila sa ICC. At ang pinakaimportanteng pagtutulungan ay ang pag-aaresto sa mag-ama kapag sila ay naisyuhan na ng warrant of arrest. Malungkot po yan dahil yan po ay patunay na wala nang unity. Dahil paano naman makiki-unity pa ang mag-amang Duterte na makiki-cooperate na ang Marcos administration sa ICC para sila’y dakpin at ikulong sa ICC.”
Ito ang ikinalat ni dating Presidential spokesman Atty. Harry Roque sa Tiktok, matapos ipahayag ni Justice Secretary “Boying” Remulla na makikipag-coordinate sila sa International Criminal Court (ICC) dahil sa mga resolusyong ipinasa ng House of Representatives kaugnay ng pag-iimbestiga ng ICC sa ‘war on drugs’ ng nakaraang administrasyong Duterte.
Samantala, sinabi ni Roque na siya ang magiging lead counsel nina ex-President Rody Duterte at Senator Ronald Dela Rosa kapag nagharap sa ICC.
Kinumpirma naman ni Dela Rosa na si Roque ang magdedepensa sa kanila matapos malamang pinayagan na ng gobyernong Marcos ang pagpasok sa bansa ng ICC investigators.
Maliban kay Roque, sinabi ni Dela Rosa na ang kasamahan niyang senador na isa ring international criminal lawyer na si Francis Tolentino ay pinili niya ring magtanggol sa kanya.
Samantala, sinabi nitong Martes ng umaga ni Pangulong “Bongbong” Marcos na hindi makikipag-coordinate ang gobyerno sa gagawing imbestigasyon ng ICC. Pinayagan lamang aniya ang ICC na makapasok sa bansa bilang bisita, pero hindi ang mag-imbestiga.
Bago ito ay sinabi ni dating Senador Antonio Trillanes na ang ICC investigators ay nasa Pilipinas simula pa nung kalagitnaan ng 2023, nakakalap na ng mga sapat na ebidensiya, at ang pag-aresto kay Duterte ay nalalapit na.
Si Trillanes, kasama si dating Senador Leila de Lima, ang isa sa mga nagsampa ng reklamo laban kay Duterte at ibang dating opisyal sa ICC kaugnay ng war on drugs ng nakaraang administrasyon kungsaan sinabi ng human rights groups na higit 30,000 ang nasawi, pero sa datus ng PNP ay higit 5,000 lang ang biktima.