Advertisers
NAGDUDULOT ngayon ng sigalot at kalituhan ang nagpapatuloy na pangangalap ng lagda ng grupong People’s Initiative for Reform Modernization and Action (PIRMA).
Nais kasi ng nasabing grupo na amyendahan ang 1987 Constitution sa pamamagitan ng tinatawag na people’s initiative, o iyong panawagan na nanggagaling mismo sa taumbayan.
Para sa kaalaman ng ating mga ka-Hindaway, may tatlong paraan kung paano maamyendahan o di kaya ay tuluyang baguhin ang ating Saligang Batas.
Una ay sa pamamagitan ng Constitutional Convention (ConCon) kung saan ay magdaraos ng referendum upang ihalal ang magiging mga kinatawan nito.
Pangalawa ay sa pamamagitan ng Constitutional Assembly (ConAss) kung saan ay magsasanib ang mga miyembro ng Kongreso at Senado para bumuo ng kinakailangang mga amyenda at pagbabago sa Konstitusyon.
At ang pangatlo ay ang people’s initiative kung saan ay mangangalap ng lagda ang mga may pakana nito ng 12 porsiyento ng bilang lahat ng rehistradong botante sa bansa, o di kaya ay 3 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga botante sa bawat legislative district.
Sa unang paglutang ng PIRMA ay sinabi nila na gusto lang nilang pag-usapan ang pag-amyenda lalo’t higit ang mga probisyon na may kaugnayan sa larangan ng pagnenegosyo at ekonomiya.
Wala namang kwestiyon dito lalo’t masasabi natin na medyo restrictive nga ang ilang economic provision sa Konstitusyon.
Pero biglang nagulo ang tabakuan ng pumutok ang balitang mismong mga kongresista ang nasa likod nito at nagbabayad pa nga raw para makumbinsi ang mga tao na pumirma at suportahan ang inisyatiba.
Kung totoo iyan ay lumalabas na hindi na ito people’s initiative at may katuwiran ang ilang kontra dito na magduda at manawagan para ibasura na ito.
Lalo pang nagulo ang kuwento ng maglabas ng manifesto kontra sa inisyatibo ang Senado na nilagdaan ng lahat ng senador.
Nakasaad sa manifesto na binasa sa plenaryo ni Senate President Juan Miguel Zubiri na hindi sila papayag na patahimikin, kaya muli silang maninindigan bilang huling balwarte ng demokrasya.
Ibinabasura ng mga senador ang anila’y lantarang pagtatangka na labagin ang Konstitusyon ng bansa.
Duda ang mga senador na gagamitin ang charter change upang tuluyan ng lusawin ang senado at ilagay ang tinatawag na unicameral na porma ng gobyerno.
Partikular nilang pinuna ang isinusulong ng mga nasa likod ng PI na gawing “voting jointly” ang dalawang Kapulungan ng Kongreso.
Naniniwala sina Zubiri na kapag pinayagan ang “joint voting” wawasakin nito ang prinsipyo ng bicameralism at ang sistema ng check and balance.
Mukhang nangangamoy showdown sa pagitan ng Senado at Kamara ang usaping people’s initiative.
Abangan!