Advertisers
BUNGA ng mahigpit na kampanya ng Land Transportation Office (LTO) laban sa unregistered vehicles na tumatakbo sa mga lansangan, mahigit sa 32,000 may-ari ng mga delikwenteng sasakyan at motorsiklo ang nagparehistro ng kanilang mga sasakyan sa LTO – National Capital Region (NCR) mula Enero 1 hanggang 23, 2024.
Sa ulat ni LTO-NCR Regional Director Roque “Rox” I. Verzosa III kay LTO Chief, Asst Sec. Vigor Mendoza, may kabuuang 11,745 sasakyan at 20,625 motorsiklo na may delikwenteng mga account sa pamahalaan ang narehistro hanggang Martes, Enero 23, 2024.
Ang resulta nito ay bunga ng masusing mga operasyon sa pagpapatupad ng batas na isinagawa ng mga tauhan mula sa regional at district law enforcement ng LTO-NCR sa ilalim ng pamumuno ni Verzosa, kasama si Assistant Regional Director Hansley “Hanz” H. Lim.
Sinabi ng opisyal ng LTO na sa ilalim ng gabay ni Secretary of Transportation Jaime “Jimmy” J. Bautista at ng Assistant Secretary ng LTO na si Atty. Vigor D. Mendoza II, sila ay magsasagawa ng buong taon na mga operasyon laban sa mga hindi rehistradong sasakyan.
Naunang inutusan ni Asec. Mendoza ang mga regional na opisina na masusing ipatupad ang patakaran
“Walang rehistro, walang biyahe” (“no registration, no travel” policy), dahil sa malaking bilang ng mga sasakyang may mga isyu sa dokumentasyon sa buong bansa.
Binanggit ng opisyal ng gobyerno na hanggang Nobyembre 2023, may halos 24.7 milyong delikwenteng sasakyan.
Ayon sa talaan ng LTO, karamihan sa mga delikwenteng sasakyan ay motorsiklo.(Almar Danguilan)