Advertisers
PINABULAANAN ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na minamanipula nila ang resulta ng 6/49 Grand Lotto draw kamakailan na napanalunan ng isang tao.
Ginawa ni PCSO General Manager Mel Robles ang pagtanggi sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate Committee on Games and Amusement sa integridad ng mga laro sa lotto.
“Ang sinasabi ng ilan, meron kayong plinanta na tao para tayaan ang lahat ng possible combinations. Ginawa niyo ‘yun, P280 million ang ginastos… 14 million combinations napakatagal yon kung tutuusin…Now, ang sinasabi ngayon nila, possible naman daw ‘yon, especially na itong 6/49 ay pinanalunan online,” pahayag ni Senator Raffy Tulfo, chairman ng komite.
“Pwedeng manipulahin ‘yung machine na para magkaroon ng automatic sequence betting na in a matter of minutes or hours, kaya nang matayaan ang lahat ng numero,” sabi pa ni Tulfo.
Bilang tugon sa mga alalahanin ni Tulfo, sinabi naman ni Robles na hindi nila alam kung paano ito magiging posible.
Nanindigan din si Robles na karapatan ng lahat ang pagtaya sa lahat ng kumbinasyon ngunit hindi nito ginagarantiyahan ang mga awtomatikong panalo.
“It does not guarantee that you will get the jackpot by yourself. Our records show, hindi naman binet-tan po ang lahat ng combinations nung day na tinamaan,” hirit pa ng opisyal.
Kinuwestiyon din ni Tulfo ang paglaki ng halaga ng mga jackpot prize sa lotto kung saan dapat na inilipat na lamang na pondo para sa charity.
Ipinaliwanag ni Robles na mayroong surplus na pondo para dagdagan ang premyo sa lotto at ginawa nila ito bilang isang “marketing campaign” para hikayatin ang publiko na tumaya, at idinagdag na sa nakalipas na 30 araw, ang mga pondong ginamit nila para dagdagan ang premyo ay bumalik sa PCSO.
“We made P800 million net, not to mention the taxes generated,” punto ni Robles.
Ayon kay Robles, mula sa P1.3 bilyon na inilabas nila para sa kanilang promo sa pagtaya noong Disyembre, kumita ang PCSO ng P2.2 bilyon.
Idinagdag pa ni Robles na 30 porsiyento lamang nang kita ng PCSO ang maaa-ring gamitin para sa kawanggawa sa ilalim ng batas.
Sa isang pulong balitaan, inihayag ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III, hindi kapani-paniwala na napanalunan ang limang lotto games sa loob ng isang buwan na tiyempong pinalaki rin ang jackpot prize. (Mylene Alfonso)