Advertisers
INIREKOMENDA ni Senador Imee Marcos ang pagsuspinde sa lotto games ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) hangga’t hindi sinasagot ng ahensya ang mga alegasyon ng anomalya sa sistema nito.
“Ako pikon na pikon na ko sa lotto na yan. Nawalan na ko ng pag-asa dahil January 2023 nag-file na ko na sana imbestigahan na yang PCSO na yan. Kasi mathematically improbable ang ginagawa nilang ganon kadalas [na winners]… Kung ano-anong kababalaghan na,” wika ni Marcos sa press briefing.
“Hangga’t di napapaliwanag itong mga pangyayari na ito, itigil muna yung bola… Kabulastugan na yan,” diin pa ng Presidential sister.
Kaugnay nito, iakusahan ng senador ang PCSO ng “pagnanakaw” sa mga mahihirap na Pilipino, na umaasa sa mga laro sa lotto upang makatakas sa kahirapan.
“Naaawa naman ako sa mga pumupustang mahihirap, yan na nga lang ang tanging pag-asa nila na makadale ng konting pera eh ninanakaw pa, binobola pa…. Labis na yan,” saad pa niya.
Sa panig naman ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), inihayag nilang walang paraan upang mahulaan kung sino ang mananalo sa isang game of chance tulad ng lotto.
“The men and women behind PCSO also bet. Kung ito ay may alingasngas, ang unang hindi tataya ay ‘yung mga empleyado,” ani General Manager Mel Robles.
“It cannot be manipulated, kaya naming patunayan ‘yan,” depensa pa niya.
Binanggit din ng PCSO official na hindi maaaring ibunyag ng ahensya ang mga pangalan ng mga nanalo maliban kung maglalabas ng subpoena ang Senado.
“Lahat ng nananalo ay kinukunan ng picture nang walang tabing ang mukha. Ipinakikita sa [Commission on Audit], sila ang nagche-check. Bago i-release sa media, meron na silang kopya,” hirit pa ni Robles. (Mylene Alfonso)