Advertisers
ANG malulungkot at masasakit na pinagdaanan ng ilang milyong overseas Filipino workers (OFWs) na walang kakayanang ipagtanggol ang kanilang mga sarili ang naging inspirasyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) para isulong ang “anti-kafala” campaign simula pa 2017.
“Ang tapang at malasakit ng mga Pilipino sa pangunguna ng Pangulo, mga NGO, ating mga diplomat at ang milyun-milyung mga OFW na dumanas ng hirap ngunit walang walang boses para lumaban ang naging inspirasyon para sa aming nasa DFA noon na mas paghusayan ang trabaho at tumindig sa mga bansang makapangyarihan upang ipaglaban ang karapatan ng mga nagdusang migranteng Pilipino,” sabi ni dating Foreign Affairs Secretary at ngayon ay Taguig-Pateros 1st District Rep. Alan Peter Cayetano sa isang statement.
Ikinalulungkot ni Cayetano na sa kabila ng pagtawag sa OFWs na mga bagong bayani sa loob ng ilang dekada, ngayon lamang sila naipaglaban ng ganito kasigasig sa pamamagitan ng pagsulong sa reporma ng kafala system sa Middle East.
Tinawag ni Cayetano na “victory against oppression” ang aksyon ng Kingdom of Saudi Arabia (KSA) para paluwagin ang mga patakaran sumasaklaw sa foreign workers kabilang mga mga migranteng Pilipino.
Ipinahayag ng KSA nitong November 4,2020 na simula sa March 14 sa sunod na taon, ang mga migranteng manggagawa ay hindi na mangangailangan ng permiso mula sa kanilang mga amo kung lilipat ng trabaho, magbibiyahe at aalis ng kanilang bansa.
Ayon kay Cayetano, ang bagong patakaran ng KSA ay inaasahang magbibigay daan para mas maging maayos ang mga kondisyong pang-trabaho ng OFWs at mabawasan ang mga kaso ng pananakot, pananakit at kahit na ang pagpatay sa ibang mga migranteng mangagawa.
Pinasalamatan niya si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbibigay ng malinaw na direksyon nung siya pa ang namumuno sa DFA. Nagbigay daw si Duterte ng direktiba na bigyang prayoridad ang kapakanan ng mga OFW at hinayaan daw ang DFA na maging malaya sa paggawa ng mga aksyon na tutugon sa mga problema ng mga OFW.
Malaki ang naitulong ng mga katagang binitawan ni Pangulong Duterte na “ang Pilipino ay hindi alipin nino man, kahit saan mang lugar.”
“Ito ang naging marching orders sa DFA na nagtulak upang isulong ang anti-kafala campaign noong 2017,” dagdag ni Cayetano.
Pinasalamatan din ng Kongresista ang mga grupo ng OFW, NGOs, at mga kawani ng DFA na naniwala at nilabanan ang ugat ng pag-aabuso.
Binanggit din ni Cayetano na si Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin ang nagtuloy sa laban para mapatupad ang mga nasimulan na reporma para sa mga OFWs kaya’t dapat din siyang pasalamatan.
Ang kafala system ay umiral sa Bahrain, Kuwait, Lebanon, Qatar, Oman, Saudi Arabia, at United Arab Emirates. Pinaniniwalaang ang sistema ay nagamit ng maraming employer sa pag-aabuso ng kanilang mga empleyado at nagdulot pa ng masamang pag-trato sa mga migranteng Pilipino.
Isinaad ni Cayetano sa kanyang post sa social media na nagsimula itong kampanya, noong kasagsagan ng mga atake ng mga lokal at international na kritiko, sa administrasyon ni Pangulong Duterte sa diumano’y mga human rights violations nito.
Aniya, malinaw ang bilin ng Presidente na dapat bigyan ng proteksyon ang mga Pilipino laban sa mga illegal droga lalo na ang shabu ngunit dapat ding ipaglaban ang mga Pilipino na nagta-trabaho sa ibang bahagi ng mundo para makamuhay din sila ng tahimik at ligtas.
Sa huli ay nagpasalamat din si Cayetano sa Kingdom of Bahrain dahil sa pagiging “strong and stable partner for change” ng bansa at sa naging pagsuporta nito sa mga anti-kafala provisions na sinulong ng Pilipinas sa Global Compact for Safe and Regular Migration o GCM.