Advertisers
Opisyal nang sinimulan ang pagtatayo ng ikalimang University of Caloocan City (UCC) campus sa isang groundbreaking ceremony na personal na pinangunahan ni City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan noong Miyerkules, Pebrero 7 sa Crispulo Street, Barangay 180.
Ilalaan ang bagong kampus ng UCC sa pagkakaroon ng mga programa para sa Medisina at Mga Agham Pangkalusugan at magtatampok ng maraming laboratoryo, simulation room, at mga silid-aralan sa bawat isa sa tatlong gusali nito.
Kinilala ni Mayor Along ang pangangailangang magpatupad ng matinding pagpapabuti sa mga pasilidad at serbisyong inaalok ng kampus ng lungsod at ipinahayag ang kanyang pananabik sa paglikha ng bagong kampus dahil ito ay nagpapahiwatig ng katuparan ng nasabing mga pagpapabuti.
“Mula sa sira-sira, madilim, at maruming campus noon, ngayon itatayo na natin ang ikalimang UCC Campus. Nagkaroon kami ng vision para sa UCC at hindi namin nais na ito ay tukuyin bilang isang unibersidad na nag-aaksaya lamang ng pera ng nagbabayad ng buwis,” paggunita ni Mayor Along.
“Ngayon, pwede na nating ipagmalaki ang sariling unibersidad ng ating lungsod at ang de kalidad na edukasyon na ibinibigay nito sa mga mag-aaral. Sa pagtatayo natin ng UCC College of Medicine and Health Sciences, mas darami na ang mga propesyunal na Batang Kankaloo sa iba pang larangan na may kinalaman sa medisina at kalusugan,” wika ni Mayor Along.
Inulit din ng lokal na punong ehekutibo ang kanyang pangako na magbigay ng de-kalidad na libreng edukasyon mula elementarya hanggang kolehiyo, lalo na ngayong mas maraming opsyon sa karera ang magagamit para sa kanyang mga nasasakupan.
“Ito po ang pangarap ko para sa mga kabataan ng Caloocan: mas malapit sa paaralan, may mga kursong pagpipilian, libre ngunit dekalidad na edukasyon. Walang dahilan upang hindi makapagtapos ng kolehiyo at magkaroon ng magandang kinabukasan,” dagdag ni Malapitan.
Dinaluhan ang groundbreaking event ng iba’t-ibang opisyal ng lungsod, kabilang sina District 1 Representative Cong. Oca Malapitan, District 3 Representative Cong. Dean Asistio, at Vice Mayor Karina Teh-Limsico.(BR)