Advertisers
SUMAMPA na sa 92 ang nakuhang patay sa Davao de Oro landslide.
Batay ito sa inilabas na datos ng Davao de Oro provincial government hanggang 7:00 ng gabi ng February 15.
Sa kasalukuyan, nasa 36 pa ang pinaghahanap na biktima.
Ang 14 sa mga nasawi ay pansamantalang inilibing sa Maco Public Cemetery habang hinihintay ang kanilang pagkakakilanlan.
Magugunitang nasa 32 ang nailigtas sa naturang landslide na nagbaon sa ilang bahay, isang barangay hall, 3 bus at isang jeep. Halos tatlong araw matapos ang pagguho ng lupa mula sa kabundukan, isang 3-anyos na batang babae ang buhay na nakuha.
Patuloy ang search and retrieval operations na nasa ika-sampung araw na matapos ang malagim na pagguho.
Ayon kay Lea Añora, MDM cluster head, kasama sa mga nahukay ang mga bahagi ng katawan ng tao.
Pinayuhan niya ang mga kaanak ng mga nawawala pang biktima na regular na makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan para sa pagkilala sa mga nahuhukay na biktima.