Advertisers
ARESTADO ang isang Pinay sa entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Maynila dahil sa umano’y pang-i-scam sa isang Swiss businessman.
Sa ulat, sinabi ng suspek sa biktima na nagtatrabaho siya sa Bureau of Customs at nag-alok na tutulungan siya para ayusin ang maling delivery ng kargamento sa Pilipinas, mula Africa.
May 47 kilo ng ginto at 25 piraso ng diyamente ang kargamento na ihahatid sana sa Dubai.
Sa kabila nito, nagkaroon umano ng ‘error’ sa delivery sa stop-over sa Kenya.
Anang biktima, nakatanggap siya ng email mula sa isang airline company sa Kenya, at hiniling na pumunta sa Pilipinas at makipagkita sa isang African national na tutulong sa kanya na ayusin ang kargamento.
Hiniling sa Swiss businessman ng African na magbayad ng USD5,600 o nasa P300,000.
Itinuro ang biktima sa Pinay kung saan ibibigay ang pera.
Nakapaglabas ng kabuuang USD100,000 o mahigit P5 million ang biktima.
Tumangging magbigay ng pahayag ang naarestong Pinay habang pinaghahanap pa ng mga awtoridad ang African na kasabwat nito.
Nahaharap ang suspek sa patong-patong na kaso kabilang ang extortion at usurpation of authority.