Advertisers
Paiimbestigahan ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Director Chief Supt. Ruel Rivera ang reklamo ni Dr. Chaio Tiao Yumol laban sa warden ng Metro Manila District Jail.
Ayon sa sulat ni Yumol kina Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’Marcos, Jr.; Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, Office of the Ombudsman at Commission on Human Rights na nababagabag siya ngayon sa kanyang kaligtasan sa loob ng Metro Manila District Jail sa umano’y ginagawang panggigipit at pagpapahirap sa kanya ng warden na si Jail Senior Insp. Jose Maria Sabeniano.
Sinabi ni Yumol, wala siyang ginagawang paglabag sa loob ng kulungan at sa halip naggagamot siya ng mga may sakit na preso at empleyado.
Hindi na rin umano siya dinadalhan ng pagkain dahil ipinagbabawal ng naturang warden na lapitan siya ng sinuman. Maging ang gamot na para sa kanyang depresyon hindi na naiinom.
Ayon pa sa sulat ni Yumol, tinangka pa ng nasabing warden na ipalipat siya sa MMDJ Annex 4 nang sabihin nito na nanganganib ang seguridad ni Yumol at mga personnel ng BJMP.
Subali’t ibinasura ni Quezon City RTC Acting Presiding Judge Ma. Cristina Rosario-Osoteo ang hiling na mailipat ito sa pagsasabing itinayo ang jail para sa mga preso na tulad ni Yumol at hindi na kailangan pang ilipat ng ibang kulungan.
Ipinagmamalaki din umano ng naturang warden na ang kanyang mga ginawa may ‘basbas’ umano ni Rivera.
Ngunit ayon kay Rivera, kailanman hindi niya inutasan itong maltratuhin o gipitin ang mga preso. Aniya, bagama’t nagkasala sila sa batas kailangan pa rin ipatupad ang human rights at ang korte lamang ang makapagdedesisyon sa kanilang kaso.
Nahaharap si Yumol sa kasong pagpatay kay dating Lamitan Mayor Rose Furigay at dalawang iba sa Ateneo de Manila University noong Hulyo 2022.