Advertisers
Ni ROMMEL PLACENTE
HUMANGA kami kay Kelvin Miranda. Humingi kasi siya ng dispensa sa publiko, matapos pag-usapan sa social media ang pagnguya niya ng chewing gum habang nagpo-promote sila ni Beauty Gonzalez ng pelikula nilang After All sa It’s Showtime.
Bago pa ang guesting nilang ‘yun sa nasabing noontime show ng ABS-CBN, sa Red Carpet Premier ng nasabing pelikula ay panay din ang nguya ni Kelvin ng chewing gum habang ini-interview ng entertainment press. Na dahil dito kaya pinuna siya ng mga netizen.
Nang makarating ‘yun kay Kelvin, imbes na magalit o mapikon ay tinanggap niya ang pagkakamali. At sa pamamagitan ng kanyang Facebook post noong February 28 ay humingi nga siya ng dispensa sa publiko. Pero nilinaw naman niyang wala siyang intensiyong magpapogi at bastusin ang sinuman.
Ipinaliwanag din niya na ang pangnguya ng chewing gum ang kanyang paraan para pakalmahin ang sarili sa tuwing siya ay kinakabahan.
Post ni Kelvin sa kanyang FB post published as it is.
“Pag nguya ng gum sa premier at TV. Opo ako nga po ito. Kalma lang po kayo, wala naman akong gustong bastusin or tapakan na moral dito.
“Sakin lang ay bago pa po sakin ang pakiramdam ng lahat di ko alam paano i handle ang emosyon at lahat ng pangyayare. Idinaan ko nalang sa pag che-chewing gum.”
Kalakip ng paliwanag ni Kelvin ang paghingi niya ng sorry at ang pangakong hindi na niya ito uulitin.
“Wag kayo mag aalala humihingi ako ng pasensya sa lahat at hindi na mauulit.
“Naging coping mechanism ko siya which is not good. Hindi ko siya ginagawa para magmukhang gwapo or pagpapagwapo sadyang duon ko binubuhos ang panginginig ng katawan ko dahil sa dala ng nerbiyos.
“Hirap ako i-manage ang nararamdaman ko nung mga oras na yun.
“Again pasensya na sa lahat ng nakapuna. Salamat sa pag puna nito gawin kong aral at hindi na masundan pa ng ibang pagkakataon.”
***
MAGIGING bahagi na rin si Jake Ejercito ng drama series na Can’t Buy Me Love na pinagbibidahan nina Donny Pangilinan at Belle Mariano. Ito ay ibinahagi mismo ng aktor sa kanyang Facebook page noong Miyerkules, February 28. Ang naturang anunsyo ay ibinahagi rin ng ABS-CBN sa kanilang social media pages nitong Miyerkules rin, February 28.
“Abangan si Jake Ejercito SOON sa #CantBuyMeLove,” saad sa caption.
Marami ang agad na napatanong at nanghula kung ano ang magiging papel ng aktor sa top-rating series ng ABS-CBN.
May ilan na nagsasabing baka raw ang maging papel ni Jake ay ang itinuturong lover ng ina ni Caroline Tiu (Belle Mariano) na si Divine Almazan [Shaina Magdayao].
“Kaexite bka sya c engineer n sinasabi n Cindy n lover n Divine,” saad ng isang netizen.
Hula naman ng isa sa magiging role ni Jake, “Feeling ko kapatid ni bingo kay miss yna Raymundo.”
“Baka maging isa sa supplier ng mabenta box o kaya magiging bagong boss ni Irene,” sey naman ng isa.
Palaisipan naman kung magkakaroon ba ng eksena sina Jake at Albie Casino sa nasabing serye. Aware naman ang lahat na pareho silang ex-dyowa ni Andi Eigenmann.
Matatandaang sinabi noon ni Andi na si Albie ang ama ng kanyang panganay na anak na si Ellie. Kuntodo-deny naman si Albie. Hanggang inamin na nga ni Andi na si Jake ang tunay na ama ni Ellie.
Pero base sa interview ni Albie kamakailan, chapter closed na ito para sa kanya at wala siyang problema kay Jake at willing siyang makatrabaho ito.