Advertisers

Advertisers

Jailguard pinosasan at pinabugbog ang sundalo

0 44

Advertisers

INARESTO ang isang jail guard nang posasan at ipabugbog sa grupo ng mga lalaki ang isang sundalo ng Philippine Army (PA) na umano’y nambastos sa kinakasama ng una sa loob ng kanilang apartment sa Quezon City, Biyernes ng gabi.

Kinilala ang inaresto na si Jail Inspector John Romel B. Magdale, 24 anyos, ng 52 Ofelia St., Project 8, Barangay Bahay Toro, Quezon City.

Patuloy namang ginagamot sa ospital si Corporal Charl Ston Lim Dam-as Dannang, miyembro ng Philippine Army (PA), nakatira rin sa ikalawang palapag ng apartment ni Magdale, dahil sa mga tinamong sugat at pasa sa katawan.



Sa naantalang report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), 11:30 ng gabi (March 1) nang mangyari ang pambubugbog sa loob ng apartment nina Magdale at ng live-in partner niyang si Ma. Angelica Fermin Poquiz, 25, sa Brgy. Bahay Toro.

Batay sa imbestigasyon ni P/Cpl. Paolo Gil Niño ng Project 6 Police Station 15 ng QCPD, narinig ni Poquiz na may kumakatok sa pinto ng kanilang inuupahang silid at nang buksan nakita niya si Dannang.

Kinaladkad umano ni Dannang si Poquiz papasok sa loob ng kuwarto niya at nang tangkang yayakapin nagawang itulak ng huli ang sundalo at agad na pinagsaraduhan ng pinto.

Nagkataong dumating si Magdale mula sa Bicol Province at nakita niya si Dannang na nasa harap pa ng kanilang pintuan kaya kinompronta niya ito.

Pero batay naman sa salaysay ni Ma Dianne Antonnette G. Bauygan, live-in partner ni Dannang, nasa loob sila ng kuwarto nang puntahan sila ng jail guard.



Inutusan ni Magdale si Dannang na pumunta sa kaniyang silid sa 1st floor pero makalipas ang ilang sandali nakita ni Bauygan na nakaposas na ang kinakasamang sundalo at may mga pasa at sugat sa katawan.

Ayon kay Dannang, pinagtulungan siyang bugbugin ng hindi kilalang mga lalaki na hinala niya iniutos ni Magdale.

Dinala sa sa Quezon City General Hospital si Dannang, habang binitbit ng mga pulis ang jail officer para sa imbestigasyon at tamang disposisyon.