Advertisers
Personal na dumalo si Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health and demography at ama ng Malasakit Centers, sa paglulunsad ng ika-160 Malasakit Center sa Davao Occidental General Hospital sa Malita noong Biyernes, Marso 8.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Go na ang Malasakit Centers ay idinisenyo upang pagsilbihan ang lahat ng Pilipino, lalo sa oras ng pangangailangang medikal.
“Ang Malasakit Center po ay one-stop shop. Batas na po iyan na isinulong natin noong naging senador tayo. Para po iyan sa mga poor and indigent patients. Para po iyan sa Pilipino,” ani Go.
Pinagsama-sama sa Malasakit Centers ang mga kinatawan mula sa Department of Social Welfare and Development, Department of Health, Philippine Health Insurance Corporation, at Philippine Charity Sweepstakes Office.
“Basta Pilipino ka po, qualified ka sa Malasakit Center. At dapat po walang pinipili, para po ito sa mga poor and indigent patients, sa mga helpless at hopeless… dahil pera po ng taumbayan iyan, dapat po ibalik sa kanila sa pamamagitan ng mabilis, maayos at maasahang serbisyo at tulong mula sa gobyerno lalo na pagdating sa kalusugan,” idinagdag ni Go.
Si Go ang pangunahing may-akda at sponsor ng Republic Act No. 11463, o ang Malasakit Centers Act of 2019, na nag-institutionalize sa Malasakit Centers program.
Ang iba pang Malasakit Centers sa rehiyon ay matatagpuan sa Davao del Sur Provincial Hospital sa Digos City, Southern Philippines Medical Center sa Davao City, Davao Regional Medical Center sa Tagum City, Davao Oriental Provincial Medical Center sa Mati City, at Davao de Oro Provincial Hospital sa Montevista.
Ayon sa DOH, ang mga sentrong ito ay nakatulong na sa mahigit 10 milyong Pilipino sa buong bansa.
Pinuri ni Go ang DOH sa pangunguna ni Sec. Ted Herbosa gayundin ang mga lokal na opisyal kabilang sina Congressman Claude Bautista; sina Congresswoman Claudine Lim, Gobernador Franklin Bautista, ABC President Bianca Bautista-Navarra at Bise Gobernador Lorna Bandigan para sa kanilang pagsisikap na mapabuti ang mga serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan sa lalawigan.
“Hindi po ako titigil sa mga programang makakabuti sa ating mga kababayan, ipagpapatuloy ko po ang mga nasimulan natin noon para mas mailapit ang gobyerno sa mga gawaing serbisyo nito,” ayon sa senador.
Samantala, nanamahagi rin ng tulong si Go sa 130 pasyente at 182 frontliners sa nasabing ospital. Lahat sila ay nakatanggap ng mga pack ng bigas, masks, bitamina, meryenda at iba pa. May ilang nakatanggap ng mga kamiseta, mobile phone, sapatos, bisikleta, at mga bola para sa basketball at volleyball.