Advertisers
NASAWI ang isang transgender woman ilang araw matapos sakalin at gulpihin ng dalawang kainuman sa Pasig City.
Sa ulat, nangyari ang krimen sa 29-anyos na si “Shaina” Marso 1 sa Barangay Pineda.
Ayon sa report, binibiro ng biktima ang isa sa mga salarin, at inawat siya ng isa pang salarin na LGBTQ member din.
Nang hindi tumigil ang biktima, nagalit ang salarin na LGBTQ member at sinakal ito.
“Ang inaasar ng biktima ay ‘yung isang hindi LGBTQ. ‘Yung 21 years old. Ngayon inaawat siya nung LGBTQ pero ayaw magpaawat kaya ang ginawa nung LGBTQ, base sa testimonya ng witnesses, sinakal niya iyong biktima hanggang sa hindi na siya makahinga,” ayon kay Police Major Loreto Padilla, chief investigator ng Pasig City Police.
Ayon pa kay Padilla, ang isa pang salarin imbes na umawat binugbog pa ang biktima.
Ayon sa mga testigo na kasama rin sa inuman, nakita nilang may lumabas na dugo sa tenga, ilong at bibig ng biktima nang mangyari ang pananakit.
Sa kabila nito, nakauwi pa ang biktima pero hindi sinabi sa kaniyang ina ang nangyari. Pagkaraan ng tatlong araw, dumaing ang biktima na masakit ang ulo kaya siya dinala sa ospital.
Pero nitong Marso 7, pumanaw ang biktima.
Sinampahan na ng kasong homicide ang dalawang salarin.