Advertisers

Advertisers

4 ‘killers’ ng mag-inang balikbayan, tukoy na

0 10

Advertisers

Natukoy na ng binuong “Special Investigation Task Group (SITG) Motegi” sa kanilang malalimang imbestigasyon ang apat na salarin sa pagpatay sa mag-inang balikbayan sa Tayabas City, Quezon.

Base sa masusing “profiling at investigation” na iprinisinta ng SITG Motegi sa pinakahuling SITG Case Conference na pinamunuan ni Col. Ledon Monte, provincial director ng Quezon Provincial Police Office, lumalabas na ang ­unang tinukoy na apat na persons of interest (POI), itinuturing na ngayong mga suspek sa pagpatay sa mag-inang sina Lorry Litada at Mai Motegi, mga balikbayan galing Japan.

Sinabi ng SITG Motegi na itinuro ng apat na testigo ang apat na suspek na ‘di pa pinangalanan na mga responsable sa pagpatay kina Litada at stewardess niyang anak na si Motegi, at base sa nakalap na mga bagong matitibay na ebidensya.



Sa bisa ng search warrant na inilabas ng korte, sinalakay ng mga miyembro ng SITG Motegi at Tayabas City Police, 7:05 ng gabi nitong Lunes, Marso 18 ang isang bahay na ­itinuro ng mga tesigo sa BellaVita Subdivision, Barangay Isabang, Tayabas City, may 25 metro ang layo sa crime scene.

Sa isinagawang pag­hahalughog sa bahay, narekober ng raiding team ang may 136 na “lapad” (Japanese yen) na may katumbas na mahigit P1 milyon, P30,000 cash at ilang kagamitan na hinihinalang mga pag-aari ng pinaslang na mag-ina.

Unang iniulat ng pulisya na nasa P5 mil­yon ang nawawalang pera ng mag-ina matapos silang matagpuang kapwa patay at nakabaon sa isang madamong bahagi ng likod-bahay ng mismong kapatid ni Litada.

Narekober din ng mga pulis ang isang maleta na may mga lamang damit na may bahid pa ng dugo na hinihinalang pag-aari rin ng mga biktima, ‘di kalayuan sa lugar kung saan sila ibinaon. Iniulat ang mag-ina na halos isang buwang nawawala nang matagpuang kapwa patay at nakali­bing sa hukay.

Dahil sa nakuhang mga ebidensya, sinabi ng SITG na sasampahan na nila ng kasong double murder ang apat na suspek.



Lumalabas na dating alitan at pera ang mga motibo sa pagpaslang sa mag-ina.

Nauna rito, sinasabing sumuko at umamin sa krimen ang nakatatandang kapatid na babae ni Litada at ngayon nasa ospital makaraang magtangkang magpatiwakal.

Ayon sa umaming kapatid, apat silang gumawa ng krimen kasama ang kanyang mismong mister.

Hinampas umano nila ng tubo si Lorry habang sinaksak naman nila ang anak nito na kanilang ikinamatay saka inilibing sa kanilang likod-bahay.