Advertisers
KAKASUHAN ni Cagayan Governor Manuel Mamba ang pamunuan ng Magat Dam sa Ramon, Isabela dahil sa idinulot sa mga residente ang matinding pagbaha sa kanyang teritoryo.
Ayon kay Mamba, wala namang nakukuhang pakinabang ang Cagayan sa operasyon ng dam bagkus sila ang napeperwisyo sa tuwing nagpapakawala ito ng tubig sa panahon ng kalamidad.
Sinabi ni Mamba na inuudyukan siya ng kanyang mga nasasakupan na sampahan ng kaso ang National Irrigation Administration na siyang nangangasiwa sa Magat Dam.
Sa report ng Office of the Civil Defense, anim sa 10 namatay sa Cagayan noong nagdaang bagyo ay may kaugnayan sa baha habang libu-libong katao ang nailikas.
Sa pagdalaw ni Pangulong Rodrigo Duterte sa lalawigan, sinabi nitong dapat ay mayroong ahensiyang mangangasiwa sa pagpapalabas ng tubig sa dam sa panahon ng kalamidad upang maiwasan ang trahedya.