Advertisers

Advertisers

“IRONCLAD PROTECTION” NG PNP-R4A KAY BURIKI KING BULOY AT SHABU QUEEN GLENDA!

0 1,193

Advertisers

HINDI lamang “bagyo” kundi “buhawi” sa tindi ng impluwensya sa mga awtoridad at sa kapulisan nitong si alyas “BULOY” ng Batangas City na itinuturing na “bad boy” ng CALABARZON. Tinaguriang paihi at buriki king sa buong rehiyon si alyas BULOY na ang sentro ng petroleum smuggling, colorum van at illegal terminal operation ay ang Port of Batangas samantalang ang isang alyas GLENDA na bantog na SHABU QUEEN ay ginagamit na prente sa pagtutulak ng droga ang kanyang pasugalan at putahan sa Brgy. Santiago sa bayan ng Malvar, sa lalawigan ng Batangas.

Sa dami ng sumbong at reklamo laban sa pagnanakaw ni alyas BULOY ng mga petroleum product kabilang ang pinaka-delikadong gasolina ng eroplano na A1 jet fuel at pag-ooperate ng colorum van sa illegal terminal sa parking area ng PPA Batangas City ay hindi kumikilos at umaaksyon ang police chief ng lungsod na si LtCol. Shamgar Valdez.

Kung gaano ka-espesyal na pagtrato ni LtCol. Valdez sa grupo ni alyas BULOY sa Batangas City ay ganito din ang turing ni Malvar Town Police Chief Capt. Nemecio Calipjo Jr. sa dayuhang vice operator na si alyas GLENDA na kumikita ng milyones sa pagtutulak ng shabu sa prente nitong ilegal na pasugalan malapit lamang sa CP Reyes Satellite Clinic sa Brgy. Santiago na bayan ni Malvar Mayor Cristeta Reyes.



Ang dalawang beses na “pakunyaring raid” sa pasugalan ni alyas GLENDA at pagkaka-bulabog sa pwesto ng beteranang ilegalista ay “palabas” lamang pala ng ilang PNP official sa Batangas, R4-A at Camp Crame upang madagdagan at itaas ang kanilang kinokolektang lingguhang intelihencia o protection money mula sa salot na drug/ gambling operator.

Hindi nakasuhan si GLENDA at tanging ang ilang empleyado at mananaya lamang sa pasugalan nito ang nasampahan ng asunto sa tanggapan ng Batangas Prosecutor, kaya tuloy pa rin ang protektadong operasyon nito sa bayan ng Malvar. Tulad ni alyas BULOY ay hindi din alintana ng kapulisan ng lalawigan sa pamumuno ni Police Director Col. Samson Belmonte ang gawaing iligal ni alyas Glenda.



Maging ang mga pulis mula sa regional headquarter sa Camp Vicente Lim Laguna ay mistulang mga bulag, pipi at bingi sa inirereklamong iligal ni alyas BULOY na ang imbakan ng binuriki na mga petro product ay nasa isang lote na pag-aari ng Chinese mestizo na si alyas Tan na sakop ng Batangas City Port malapit sa gate ng pier na mahigpit na binabantayan ng PPA police at iba pang awtoridad.

Bukod sa Batangas City Port na sakop ni Brgy. Sta Clara Chairman Derick Arago ay may burikian din ng nakaw na diesel, gasolina, gaas, liquified petroleum gas (LPG), A1 jet fuel na nakakarga sa mga tanker ng kunyari ay tanker truck terminal sa tapat ng Maquiling Depot sa barangay ni Kapitana Cynthia Culla sa Balagtas, Batangas City.



Ang mga paihi/buriki den ni alyas BULOY, kasosyong police colonel at dalawang miyembro ng Batangas PNP ay bantay-sarado ng armadong grupo, ilan sa kanila ay mga pulis dahil sa malimit ay “marked vehicle” pa ang naghahakot ng mga nakaw na produkto mula sa nasabing paihi joint bukod pa sa umiikot na mobil car kapag may dumarating na mga buyer ng naturang binuriki, pinatulo, pinaawas, pinaihi at pinasingaw na mga petro product.

Maging ang National Bureau of Investigation (NBI) at police counterpart na Batangas Provincial Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa ilalim ni LTCol. Victor Sobrepeña ay hindi din kumikilos laban sa dalawang paihi den ni alyas BULOY at maging sa mga pasugalan, putahan at drug joint ni alyas GLENDA na malayang nakapag-ooperate 24/7.

Ang mga buyer ni alyas BULOY mula sa ibat ibang parte ng Luzon, Visayas at sa malayong lugar ng Mindanao ay dumadayo sa Batangas City para umangkat ng mga nakaw na produktong petrolyo ni alyas BULOY. Ang mga sugarol at drug addict naman mula sa iba’t ibang probinsya ng rehiyon at Metro Manila ay dumadagsa sa pasugalan ni alyas GLENDA sa dakong gabi sa bayan ng Malvar ngunit tila walang muwang dito sina Capt. Calipjo Jr. at Mayora Reyes.

Bagama’t nakikita ng mga mamamayan ang mahina at “poor performance” ng police captain pa lamang na si Calipjo Jr. ay nananatili pa din ito sa kanyang pwesto bilang pinuno ng kapulisan ng bayan ng Malvar na dapat nauukol lamang para sa may ranggong police major o mas mataas pang rank.

Kung bakit ganun na lamang ang lakas ng loob ni alyas BULOY at alyas GLENDA sa paggawa ng kanilang ilegal na pinagkakakitaan ay dahil sa “ironclad protection” na ibinibigay sa kanila ng mga kontak at protektor na police official mula sa region, provincial, city at municipal command na “namamantikaan ang nguso” dahil sa natatanggap na payola, suhol o weekly intelhencia mula kina “paihi king” at “shabu queen”.

Ilang araw na lamang at malalaman na kung “ironclad protection” pa din ang ibibigay kina alyas BULOY at alyas GLENDA ng papalit na PNP Chief sa outgoing na si PDGen. Benjamin Acorda Jr.? May Karugtong…

***

Para sa komento: Cp. No. 09664066144