Advertisers
INIREKOMENDA ng Land Transportation Office (LTO) ang lifetime ban sa pagkuha ng driver’s license ng isang driver na dalawang beses nasangkot sa magkahiwalay na road rage incident sa Cebu City.
Kabilang dito ang insidente noong Agosto 5 sa Capitol Square, Barangay Capitol Site. Hinarangan ng driver ng pick-up ang isang rider ng motorsiklo at nang bumaba sa sasakyan ay sinuntok ang rider sa mukha. Nagbanta rin ang driver sa rider at pamilya nito.
Habang isinasagawa ang proseso sa unang insidente, muling nasangkot ang parehong driver sa road rage incident na kumalat ang video sa Facebook. Makikita rito ang pagtatangkang saksakin ng ilang beses ng driver ang kapwa motorista.
Pinaharap na ng LTO ang rehistradong may-ari at driver ng pick-up at inatasang magsumite ng sinumpaang salaysay kaugnay ng posibleng paglabag sa Republic Act No. 4136, kabilang ang reckless driving at deklarasyon bilang improper person to operate a motor vehicle.
“Dalawang beses nang nasangkot sa road rage, may pananakit at tangkang pananaksak pa. Malinaw na hindi na ito simpleng init ng ulo kundi seryosong banta sa kaligtasan ng kapwa motorista,” pahayag naman ni LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao.