Advertisers
PATULOY na bumababa ang lebel ng tubig sa Angat Dam at Ipo dam sa gitna ng patuloy din na nararanasang dry season sa bansa na epekto ng El Niño phenomenon.
Sa datos, sa ngayon ay bumaba na sa 198.81 meters ang lebel ng tubig ng Angat Dam mula sa dating 200.07 meters na naitala rito noong nakaraang linggo, ngunit gayunpaman ay nananatili parin naman itong mas mataas sa minimum operating level ng naturang dam.
Sa Ipo dam naman ay aabot sa 99.82 meters na mas mababa rin sa 101 meters na una nang naitalang lebel ng tubig dito noong nakaraang linggo.
Paliwanag ng mga eksperto ang patuloy na pagbaba ng lebel sa naturang mga dam ay dulot na rin ng kawalan ng mga pag-ulan sa bansa sa nakalipas na mga linggo na sinabayan pa ng mas mainit na panahon na nagreresulta naman sa mas mataas na konsumo ng tubig.
Samantala, sa kabila nito ay patuloy naman ang ginagawang hakbang ng pamahalaan upang tiyakin pa rin na magiging sapat pa rin ang supply ng tubig sa bansa kasabay ng abiso sa mga water consumer na matipid pa rin sa pagkonsumo o paggamit ng tubig.