Vlogger Maharlika, actress Maricel Soriano, ex-Exec Sec. Ochoa gigisahin ni Sen. Bato sa ‘leaked documents’ na naging target ng PDEA si PBBM
Advertisers
IIMBITAHAN ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang social media vlogger na si Maharlika, aktres na si Maricel Soriano, at dating Executive Secretary Paquito Ochoa na dumalo sa imbestigasyon sa susunod na linggo, Mayo 7.
Iniimbestigahan ng komite ang dalawang dokumentong inilabas ni Maharlika, na nagdedetalye sa mga operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na target umano ang dalawang personalidad noong 2012: dating senador at ngayo’y Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at si Soriano.
Sa panayam ng Teleradyo Serbisyo, sinabi ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na iimbitahan ng komite sina Maharlika at Soriano para linawin ang nasabing imbestigasyon.
Binanggit din ni Dela Rosa na iimbitahan si Ochoa dahil lumabas sa pagdinig na pinahinto umano ni Ochoa ang imbestigasyon ng PDEA.
Nang tanungin kung iimbitahan si Ochoa dahil binanggit ang kanyang pangalan, sinabi ni Dela Rosa:
“Yes po, imbitahin natin, at kung pati si Maricel Soriano paimbitahin din natin para i-confirm natin kung totoo na occupant siya noong building na ‘yan, na sinasabing condo unit na ‘yan na inilagay doon sa impormasyon.”
Binigyang-diin ni Dela Rosa na ang layunin ng pagdinig ay tulungan ang batas sa paglikha ng mga patakaran hinggil sa pagpapakalat ng mga sensitibong dokumento, hindi para sa pag-uusig. (Mylene Alfonso)