Advertisers
Nasawi ang 2 sundalo at sugatan ang 4 pang kasamaan nito nang tamaan ng kidlat habang nagsasagawa ng operasyon sa kabundukan na boundary ng Western Uma, Lubuagan at Balatoc, Pasil, Kalinga, noong Linggo, Mayo 12, 2024
Kinilala ang mga nasawi na sina Cpl. Andrew Monterubio ng Gamu, Isabela; at Pfc. Inmongog Aronchay mula sa Sadanga, Mt. Province, na pawang kabilang sa 5th Infantry Division, Philippine Army.
Habang sugatan naman ang kanilang kasama na sina Sgt. Dennis Bananao ng Kalinga, PFC Melvin Danggalan ng Mt. Province, PFC Abegil Awingan mula sa Pinukpuk, Kalinga, at PFC Riel Angya ng Pasil, Kalinga.
Sa ulat ng 5ID, 4:30 ng hapon noong Mayo 12, kasalukuyang nagsasagawa ang mga hanay ng 54th Infantry Battalion (54IB) ng operasyon sa naturang lugar ng biglang kumulimlim ang kalangitan na sinundan ng pagkidlat na siyang tumama at agad na ikinasawi ng 2 sundalo habang nagresulta naman ito sa pagkakasugat ng 4 na iba pang tropa ng 54IB.
Samantala, nagpaabot naman ng pakikiramay si 5ID Commander MGen Audrey Pasia sa pamilya ng 2 nasawing sundalo.
Aniya, itinuturing na inspirasyon ng 5ID ang nangyari sa kanilang tropa, dahil sa kabila ng masungit na panahon hindi naging hadlang upang tumigil sa pagtugis ng mga natitirang kasapi ng mga makakaliwang grupo upang mawakasan ang insurhensiya sa bansa.