Advertisers
NAG-UMPISA na naman ang patayan sa Batangas, isang lalawigan sa CALABARZON na sa mga nakaraang panahon ay naging arena ng madugong senaryo dahil sa pag-aagawan sa pagpapatakbo ng petroleum and oil pilferage o ang buriki/paihi.
Noong hindi pa napapasok ng mga malalaking kapitalista mula sa Region 3, tahimik ang takbo ng tabakuhan ng buriki sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon.
Ngunit nagbago ang dati ay payapa at pulidong pagnanakaw ng produktong petrolyo, langis at iba pang kargamento ng tanker/cargo truck nang tatlong katao ang pinaslang sa Brgy. Makiling, Calamba City maraming taon na ang nakaraan. Hindi natin pinangalanan ang mga biktima ng mga karahasan pagkat nalimot na ng panahon ang krimen na hindi naman nalutas ng pulisya.
Akala ng mga nakakaalam ay doon na matatapos ang nasimulang karahasan. Ngunit ang pagpatay ay nasundan pa nang ang isang barangay tanod chief sa Brgy. Malitam, Batangas City ay inambus mahigit sa isang taon pa lamang ang nakaraan ng dalawang bayarang hitman ng isang alyas Buloy.
Si alyas Buloy ay kung ituring dati-rati ay pipitsugin at “barakong sampayan” lamang sa Brgy. Sta. Clara, Batangas City, ngunit nakahiram ng tapang at naging marahas nang pahinugin ng isang tubong Visayas Region na PNP Colonel at ginamit itong dummy sa buriki operation sa Batangas City.
Napagdiskitahan ng grupo ni alyas Buloy ang naturang tanod chief pagkat pinagbawalan ang driver ng kanilang tanker na naghahakot ng mga nakaw na produktong idinadaan sa Brgy. Malitam mula sa Batangas City Bay.
Dalawang linggo matapos ang pagpatay sa hepe ng barangay tanod na vice president din ng Batangas Varsitarian, Batangas City Chapter, ay naraid ang bahay ni Buloy at nakumpiska dito ang dalawang .45 pistola na ginamit sa pagpaslang sa biktimang tanod. Isang hand grenade din ang nasamsam kay alyas Buloy ngunit nakadidismayang hindi kinasuhan ng Batangas PNP Provincial Office si alyas Buloy.
Naging biktima naman ng pananambang ang isang operator din ng burikian sa Malabanban Sur, Candelaria, Quezon isang taon na ang nakaraan. Masuwertneg nabuhay ang biktima sa tinamong tama ng bala sa kanyang likod ng .45 na pistola.
May ilang araw pa lamang ay isang alyas Dennis naman ang nilikida ng dalawang riding in tandem habang nasa imbakan ito ng kanyang nakaw na produktong petrolyo sa Brgy. Sta. Clara, ng naturan ding lungsod. Nagtamo ng maraming tama ng .45 na pistola sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktimang beterano ding buriki operator.
Si Dennis ay tampok sa mga nakaraang pitak ng SIKRETA dahil sa di masupil na pagpapanakaw nito ng gasolina, krudo, A1 Jet fuel at oil product kasosyo ang isang barangay kapitan malapit sa tulay ng ByPass Road, Brgy. Sampaga, Batangas City
Si alyas Dennis ay dating operator burikian, colorum van at illegal terminal sa Batangas City Port sa naturan ding barangay ngunit inambus ito ng grupo din ni alyas Buloy halos may dalawang taon na ang nakararaan. Masuwerte namang nakaligtas ito sa kamatayan sa naunang pang-aambus.
Matapos ambusin ay inagawan pa ito ng grupo ni Buloy sa pagpapatakbo ng burikian malapit sa gate ng Batangas Port, pamamahala ng biyahe ng higit sa 500 mga colorum van at ng illegal terminal sa Philippine Port Authority (PPA) Parking Area pati na ang pangongolekta ng Php 800 “butaw”.
Butaw ang termino sa milyones na halaga ng tong collection sa mga colorum van driver na pangsuhol sa ilang mga protektor na port authorities, LTO, NBI at PNP official na naagaw din kay alyas Dennis nina alyas Buloy, ng kasosyo nitong PNP colonel at dalawang non commissioned police officer.
Principal suspect ng mga kapamilya sa pagpatay kay alyas Dennis ay ang grupo ni Buloy at pag-aagawan sa pamimili ng nakaw na produktong petrolyo ang nakitang motibo sa pananambang.
Lilitaw ang kahinaan ng liderato ni PNP Region 4A PNP Director BGen. Paul Kenneth Lucas, Batangas PNP Provincial Director Col. Samson Belmonte, Batangas City Police Chief Lt Col. Jephte F. Banderado kung di ng mga ito malalansag ang sindikatong buriki lalo ang pinamumunuan ni alyas Buloy na patuloy ang pamamayagpag ng burikian sa Batangas City Pier Zone, Brgy. Sta Clara kung saan namamahala din ito ng biyahe ng higit pa sa 500 colorum van sa parking area ng PPA. Pinaniniwalaang kakutsaba ang ilang port official tulad ng PPA, Bureau of Customs Police at maging private security guard upang magamit na terminal nina alyas Buloy ang pag-aari ng gobyernong PPA parking area.
Ilang sekyu ang taga kolekta nina Buloy ng “butaw” sa colorum van at tongpats sa mga tsuper na nais makasakay agad sa mga barkong patungong Mindoro, Palawan at Visayas Region. Ang iba pang mga burikian sa CALABARZON ay ang ino-operate nina Ed at Rico sa Brgy. Bulihan, Malvar, Batangas; alyas Roy sa Brgy. Saimsim tapat ng Yakult Philippines sa Calamba City, Roy sa Brgy. San Isidro at Brgy. Malabanban Sur kapwa sa bayan ng Candelaria at Brgy. Lumingon sa munisipalidad ng Tiaong; alyas Bong sa likod ng Roadside Inn, Brgy. Isabang; Troy sa Brgy. Salinas, parehong sa Lucena City at Sammy at Alfred sa Brgy. San Luis sa bayan ng Guinyangan, pawang sa hurisdiksyon ni Quezon PNP Provincial Director Col. Ledon Monte.
Bukod sa burikian ni Roy may mga pwesto pa ng buriki sa lalawigan ng Laguna, dalawa sa Brgy. Paciano sakop din ng Calamba City, isa sa Silangan Exit sa Cabuyao City.
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144