Advertisers
INANUNSIYO ng pamahalaan na naglaan ito ng P1.7 bilyon na emergency loan fund bilang tulong sa mga miyembro at pensionado na apektado ng rabies at El Niño sa labintatlong lugar sa bansa.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), inaasahang mahigit 77,000 na mga apektadong miyembro ng Government Service Insurance System (GSIS) at matatandang pensionado ang makikinabang sa programang ito.
Ang mga may kasalukuyang emergency loan balance naman ay maaaring makautang ng hanggang P40,000 upang mabayaran ang kanilang balanse o dating utang at makatanggap ng loan na hanggang P20,000.
Samantala, ang mga walang utang ay maaaring mag-apply para sa halagang hanggang P20,000 at ang loan ay may mababang interes na 6% kada taon at maaaring bayaran sa loob ng tatlong taon.
Kabilang sa mga kwalipikadong aplikante ay ang mga miyembro ng GSIS na naninirahan o nagtatrabaho sa Buenavista, Marinduque, kung saan naiulat ang pagtaas ng kaso ng rabies, at ilang lugar na apektado ng El Niño, kabilang ang Catbalogan City sa Western Samar, Cordova, Naga City, at Toledo City sa Cebu, Iloilo City, Buenavista sa Guimaras, Bayawan City at Sta. Catalina sa Negros Oriental, Antique, Basilan, at Datu Piang at Sultan sa Barongis sa Maguindanao Del Sur.
Upang maging kwalipikado para sa emergency loan, ang mga aktibong miyembro ay hindi dapat nasa unpaid leave, walang nakabinbing administratibo o legal na kaso, at dapat may anim na buwang bayad na kontribusyon bago mag-apply. (Gilbert Perdez)