Advertisers
ARESTADO ang isang lalaking guro nang magsumbong ang 12-anyos na lalaking estudyante na minolestiya umano niya sa loob ng silid-aralan sa Sta. Barbara, Pangasinan.
Sa ulat, nangyari ang insidente sa loob ng isang pampublikong paaralang pang-elementarya May 12, 2024.
Ayon sa biktimang grade 6 pupil, pinapasok siya ng suspek Linggo ng umaga para mag-practice umano ng graduation ceremony. Pero wala umanong pagsasanay na nangyari. Sa halip, pinapasok siya sa isang silid-aralan at doon na siya hinawakan ng guro sa maseselang bahagi ng kaniyang katawan.
May ipinakita rin video sa ulat na isang binatilyo ang nakakandong sa isang lalaki.
Nang umuwi, sinabi ng ina ng biktima na umiiyak na nagsumbong sa kaniya ang anak dahil sa ginawa sa kaniya ng guro.
“Umiiyak ang anak ko na nagsusumbong sa akin na, ‘Ayaw ko na pumasok dahil ang teacher ko bastos,’” kuwento ng ginang at sinabi umano ng binatilyo ang ginawa sa kaniya ng guro.
Nagsumbong ang binatilyo para maprotektahan ang kaniyang sarili at hindi na maulit ang pangyayari.
Matapos magsumbong sa pulisya, kaagad na inaresto ang guro.
Ayon kay Lieutenant Colonel Jun Wacnag, hepe ng Sta. Barbara Police Station, dati nang ginagawa ng suspek ang kalaswaan sa estudyante pero ngayon lang ito nagkaroon ng lakas ng loob magsumbong.
Tumanggi naman ang nakadetineng guro na magbigay ng pahayag.