Advertisers
LUSOT na sa National Economic and Development Authority (NEDA) Board, na pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang Infrastructure for Safer and Resilient Schools (ISRS) Project na nagkakahalaga ng P30.56 bilyon at layong kumpunihin ang mga school facilities sa labas ng Metro Manila na napinsala ng mga kalamidad.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), pangungunahan ng Department of Education (DepEd) at Department of Public Works and Highways (DPWH) ang implementasyon ng proyekto at popondohan sa pamamagitan ng official development assistance (ODA) loan mula sa World Bank-International Bank for Reconstruction and Development.
Sa kabuuang halaga ng proyekto, ang P27.50 bilyon ay manggagaling sa loan proceeds habang mula naman sa national government ang P3.06 bilyon.
Aarangkada ang ISRS Project mula 2025 hanggang 2029 kung saan kabilang sa mga isasagawa ang repair, rehabilitation, retrofitting, at reconstruction ng mga school facilities sa labas ng National Capital Region (NCR) na nasira ng iba’t ibang kalamidad sa pagitan ng 2019 at 2023.
Tinatayang 1,282 schools, 4,756 school buildings, 13,101 classrooms, at 741,038 learners ang makikinabang sa naturang proyekto. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)