Advertisers
IPINAGMALAKI ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hangad niyang gawing globally competitive, leading agricultural hub, major industrial, tourism, at trade center ang buong Region 10.
Sa kanyang talumpati sa pamamahagi ng ayuda sa mga magsasaka at mangingisda sa Iligan City, sinabi ni PBBM na sa katunayan ay patuloy ang mga programa at proyekto upang mas mapabuti ang pamumuhay ng mga mamamayan na aniya’y naka-angkla sa Northern Mindanao Regional Development Plan 2023-2028.
Ibinida naman ng pangulo ang ilan sa mga prayoridad na proyekto ng pamahalaan tulad ng walong bilyong pisong Panguil Bay Bridge na magkokonekta sa Tangub, Misamis Occidental at Tubod sa Lanao del Norte.
Nakapaglabas na rin aniya ang gobyerno ng halos dalawang bilyong piso (P1.89 bilyon) para sa implementasyon ng Iligan City Coastal Bypass Road na naglalayong maibsan ang trapiko sa Iligan.
Sinabi pa ng presidente na nariyan din ang expansion, rehabilitation, at development ng mga paliparan sa Ozamiz, Camiguin, Lumbia, Bukidnon, at Laguindingan.
Target aniya nitong mapabilis ang daloy ng ekonomiya at oportunidad para sa mga mamamayan sa lugar.
Prayoridad ding matapos ang dalawang solar pump irrigation projects sa bayan ng Salvador at Sapad sa Lanao del Norte kung saan halos tatlumpung milyong piso (P27 milyon) ang nakalaang pondo para rito.
Samantala, ipinagmalaki rin ni Pangulong Marcos ang halos anim na pung milyong pisong pondo (P58.01 milyon) para sa higit na apat na raang mga iskolar ng Medical Scholarship and Return Service Program ng CHED sa Region 10.
Nariyan din aniya ang Negosyo Centers at Shared Service Facilities Project ng Department of Trade and Industry para sa MSMEs o higit sa tatlumpung libong maliliit na negosyo sa rehiyon na sinimulang tulungan ng pamahalaan simula noong 2023. (Gilbert Perdez)