Advertisers
Patuloy na iniimbestigahan ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela kung may mga working permit ang mga foreing nationals na nagta-trabaho sa iba pang kumpanya na nasa loob ng ipinasarang warehouse na naglagay ng watawat ng bansang China.
Bukod sa working permit, inaalam na rin kung sino ang responsable sa paglalagay ng bandila ng China sa warehouse na pinapatakbo ng STR Power Equipment Corporation sa Brgy. Bignay.
Nabatid na tuluyan ng ipinasara ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) ng Valenzuela ang nasabing warehouse na pinamumunuan ni Mayor Wes Gatchalian dahil sa kakulangan ng permit at paglabag sa Section 34 Republic Act No. 8491 o ang Flag and Heraldic Code of the Philippines at sa ilalim rin ng Executive Order 2024-073 Series of 2024.
Unang kinumpiska ng Valenzuela Police ang itinayong watawat ng China , at nagbabala naman ang lokal na pamahalaan ng Valenzuela sa iba pang mga may-ari ng warehouse at residente na ipinagbabawal ang paglalagay ng watawat ng ibang bansa sa mga pampublikong lugar maliban na lamang sa embahada, diplomatic establishments, at tanggapan ng international organizations.
Nakatakda naman ipatawag ang may-ari ng warehouse gayundin ang mga may-ari ng dalawang kumpaniya para magpaliwanag at magpasa ng mga dokumento ng mga empleyado nila na pawang mga foreign national.(Beth Samson)