Advertisers
INALIS sa puwesto ang hepe ng pulisya ng Porac, Pampanga sa gitna ng imbestigasyon sa umano’y “scam farm” sa loob ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub na ni-raid noong Linggo.
Sinabi ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Colonel Jean Fajardo na titingnan ng PNP kung paano nabigo ang Porac police force na matukoy ang iligal na operasyon ng POGO hub.
Bukod dito, sinabi ni Fajardo na iimbestigahan din ng PNP ang munisipyo ng bayan sa kadahilanang pinayagan ang POGO hub na mag-operate kahit walang permit mula 2023.
Nitong nakraang Martes, nagpatupad ang mga awtoridad ng search warrant laban sa POGO hub batay sa reklamo ng human trafficking na nangyayari sa loob ng 10-ektaryang establisyimento.
Ang POGO hub ay iniulat na sangkot sa iba’t ibang kriminal na aktibidad na kinabibilangan ng human trafficking, sex trafficking, torture, kidnapping, at scamming.
May kabuuang 158 dayuhan, karamihan ay mga Chinese, ang nailigtas sa operasyon.
Sinabi ng mga awtoridad na marami pang tao sa loob ng hub ang nakatakas matapos umanong makatanggap ng maagang babala sa napipintong pagsalakay.
Nauna rito, tinanggal sa puwesto ang buong tauhan ng Bamban Municipal Police Station sa Tarlac matapos ang pagsalakay sa POGO hub sa bayan at matuklasan ang ebidensya ng iba’t ibang ilegal na aktibidad. (Boy Celario)